TINIYAK ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na maihahatid ang CoronaVac vaccines sa Cebu at Davao ngayong linggo.
“Pagkakaalam ko this coming March 3 and 4 ita-transport na nila doon sa Cebu. And then also this coming March 5 and 6, ita-transport naman nila doon sa Davao,” pahayag ni Galvez.
Ayon kay Galvez, isasagawa ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City at Southern Philippines Medical Center sa Davao City.
“Uunahin po doon ang Vicente Sotto, mahigit na mga isang libo po ang tauhan niya at saka po yung ating Southern Philippines Medical Center,” ani Galvez.
Aniya, priyoridad ang lahat ng frontline medical workers sa vaccination program ng pamahalaan.
“Nakikita po namin equitable po yung magiging distribution po nito. Hindi lang po tayo sa Metro Manila, pati po Visayas and Mindanao po,” dagdag ni Galvez.
Nagsimula ang vaccination drive sa bansa ngayong Lunes, Marso 1, sa University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH) kung saan ilan sa mga frontline healthcare worker at pangunahing opisyal ng gobyerno ang nabigyan ng bakuna.