First batch ng COVAX vaccines, darating sa susunod na buwan sa Vietnam

COVAX vaccines darating na ang unang batch nito sa bansang Vietnam.

Darating na ang unang batch ng bakuna mula sa COVAX sa bansang Vietnam sa susunod na buwan.

Nasa 811,000 dosis ng AstraZeneca COVID-19 vaccine ang maihahatid sa Hanoi sa susunod na buwan sa pamamagitan ng inisyatibo ng Vaccine Global Access o COVAX sa pamumuno ng World Health Organization.

Ayon sa UNICEF asahan ang 4.1 Milyong dosis ng bakuna sa katapusan ng Mayo at maaari ng makapagbakuna ang 20% ng populasyon ng Vietnam ayon sa ipinangako nito.

Ayon sa mga ulat, ang unang dosis ay darating ngayong Marso pero nabago ang petsa dahil sa isyu ng suplay.

Sa hinaharap ay inaasahang kukuha rin ang COVAX sa Pfizer ng bakuna at ang Johnson&Johnson ay maaaring isama sa listahan kapag nadagdagan ang produksyon ng bakuna nito.

Samantala, susuportahan ng UNICEF ang gobyerno ng Vietnam sa pagbili ng mga karagdagang freezer at refrigerator na truck upang maipadala ang mga bakuna.

(BASAHIN: Russia, nagbigay ng 1,000 scholarships sa Vietnam)

SMNI NEWS