NAIPASA na ng Bharat Biotech ang manufacturer ng Covaxin mula sa India ang kumpletong dokumento kung kaya’t nabigyan na ito ng full Emergency Use Authorization (EUA).
Ito ang inihayag ni Food and Drug Administration (FDA) Dir. General Eric Domingo sa panayam ng Laging Handa public briefing.
Pinaliwanag din ni Domingo kung bakit hindi pa ito nabigyan noon ng full EUA.
“Noong nakalipas po kasi, meron pa sila hindi na-submit na certificate sa atin. Bagama’t pumasa na daw sila sa kanilang inspection for good manufacturing practice,” ayon kay Domingo.
Sa kabila nito, isinumite na nila noong nakaraang linggo ang nasabing kulang na dokumento kung kaya’t pwede na silang mag-import ng Covaxin.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Domingo ang kahalagahan ng pagbabakuna lalo na ngayong may mga bagong COVID variants.
Binigyang diin nito na mas lalong importante na magpabakuna sa ngayon kasi bagama’t nakikita ng publiko ang mga pag-aaral na kahit papaano nababawasan ng kaunti ang effectivity ng mga COVID vaccine kapag nagkakaroon ng bagong variants.
Dagdag nito na hindi nawawala ang kumpletong proteksyon na ibinibigay laban sa nasabing virus at kung mayroon man magkakasakit nagiging mild lamang at hindi namamatay.
BASAHIN: COVID-19 vacine Covaxin na gawa ng India, nag-apply na ng EUA sa FDA