COVID-19 booster shot para sa mga immuno compromised na mga bata edad 12-17, gumulong na

COVID-19 booster shot para sa mga immuno compromised na mga bata edad 12-17, gumulong na

GUMULONG na ngayong araw ang unang COVID-19 booster shot para sa mga immuno compromised na mga bata.

Ayon sa Department of Health (DOH), ang pagbakuna para sa mga dose hanggang 17 anyos ay gagawin lamang sa mga ospital dahil sa kanilang kondisyon.

Ngayong araw ay naabutan ng SMNI News team ang vaccination sa Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City.

Isa ang naturang ospital sa mga pilot hospital ng DOH para sa nasabing bakunahan.

Sa pagpapabakuna ng mga bata ay mahalagang nasa tabi nila ang kanilang mga magulang upang maibsan ang kanilang takot.

“To add additional protection sa mga immuno compromised na ito that are very vulnerable, kailangan ang mga magulang po ay bigyan na natin sila (mga bata) ng encouragement. Kaya natin sila inuuna ay dahil sila talaga yung gusto natin protektahan upang di sila magka-COVID,” pahayag ni Dr. Amelia Medina, Local Health Support Division Chief, DOH-NCR.

Bukas ay asahan na magkakaroon ng pilot booster vaccination sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan at Ospital ng Muntinlupa.

Ang full implementation naman ng bakunahan ay isasagawa sa Hunyo 27, araw ng Lunes ng susunod na linggo para sa mga sa lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR).

Ayon kay Dr. Amelia Medina ng DOH-NCR may naidentify na silang private at public hospitals para sa bakunahan.

Kabilang dito ang Caloocan City Medical Center, Caloocan City North Medical Center St. Lukes Medical Center sa Taguig, Asian Hospital, Hospital ng Maynila, Manila Doctors, at marami pang iba.

“We have a lot of hospitals that will be doing this next week. Kasi pag sinabi nating immuno compromised, for now, (the vaccination) is purely hospital based kasi ang mga batang ito ay may mga sakit po talaga sila,” ani Medina.

Paalala naman ni Dr. Medina sa mga magulang na agad makipag-coordinate sa mga designated hospitals para sa schedule ng pagbabakuna o di kaya ay sa mga health officers ng kanilang lungsod.

Bukas din aniya ang mga ospital para sa mga walk-in pero mahigpit pa ring ipatutupad ang minimum health standards kontra COVID sakaling dumugin ang vaccination site para sa mga may comorbidity.

Liban sa government ID at vaccination card ay kailangan magpakita ng medical certificate bilang requirement sa booster shot ng mga immuno compromised na mga bata.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter