COVID-19 cases sa Amerika, lampas 25-M na; death toll nasa mahigit 418K

PUMALO na sa mahigit 25 milyon ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) cases sa Amerika habang mahigit 418,000 naman ang nasawi.

Ayon sa huling tala ng Johns Hopkins University, nasa kabuuang bilang na 25,098,380 ang kaso ng COVID-19 sa Amerika at 418,673 naman dito ang nasawi.

Humigit-kumulang sa 67,934 ang bagong kaso bawat araw o isang kaso sa bawat 1.2 segundo simula noong Enero 21,2020 nang manalasa ang unang kaso ng COVID-19 sa nasabing bansa.

Kabilang naman sa mga bansa na may mahigit sa isang milyong kabuuang kaso ng COVID-19 ang India na may 10 milyon, Brazil 8 milyon; Russia, United Kingdom at France na may tag-3 milyon; Turkey, Italy, Spain, at Germany na may tag-2 milyon kaso; habang ang Colombia, Argentina, Mexico, South Africa, Poland, Iran, Ukraine, at Peru na may mahigit 1 milyong kaso ng nasabing virus.

Halos umabot na sa 100 milyon ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong mundo ayon sa tala ng Johns Hopkins na nasa 99, 056,336 habang nasa 2,125,917 na rin ang naitala na death toll sa mundo.

7,729 na panibagong recoveries sa Pilipinas

Samantala, nakapagtala ang Kagawaran ng Kalusugan ng 7, 729 na panigbagong recoveries kung kaya’t umabot na sa 475,612 ang kabuuang bilang ng mga gumaling.

Base pa sa latest bulletin ng DOH, nagkaroon din 1,949 bagong kaso ng COVID-19 at 53 bagong nasawi.

Sa ngayon, nasa 27, 765 pa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Nasa 10, 242 naman ang kabuuang bilang ng mga nasawi sanhi ng COVID-19 sa Pilipinas.

Nangunguna ang Davao City sa may pinakamaraming bilang ng bagong kaso ng COVID-19 na umabot sa 99.

Sinundan ito ng Quezon City-98, Cavite-74 Bagiuo City-73 at Leyte-63.

SMNI NEWS