COVID-19 cases sa bansa, posibleng pumalo sa 800-1,200 kada araw pagsapit ng katapusan ng Hunyo

COVID-19 cases sa bansa, posibleng pumalo sa 800-1,200 kada araw pagsapit ng katapusan ng Hunyo

INIHAYAG ng Department of Health (DOH) na posibleng pumalo sa 8001,200 ang  COVID-19 cases sa bansa bawat araw pagsapit ng katapusan ng Hunyo.

Una rito, inihayag ng OCTA Research na nangyayari na nitong week ang surge ng mga kaso ng COVID 19.

Nitong Hunyo 17, nakapagtala ang DOH ng higit 500 COVID-19 infections sa bansa.

Ngunit paliwanag ni DOH Spokesperson at Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kapag sasabihing surge, ibig sabihin, nagkaroon ng biglaang pagtaas ng numero ng mga kaso.

Kaya hindi aniya ito maituturing na ‘surge’.

Dagdag pa ni Vergeire, kapag tiningnan ang datos, tumataas ito pero hindi ganoon kabilis ang pagtaas at hindi ganoon kadami ang mga kasong naidadagdag.

Gayunpaman, kung magtutuloy-tuloy ang pagtaas ng mga kaso sa ngayon, mayroong projections ang DOH na pagsapit ng katapusan ng Hunyo, maaaring aabot na sa 800-1,200 kada araw ang COVID-19 cases.

Ang mga ganitong projection aniya ay hindi dapat ipagkibit-balikat lamang, bagkus, kailangang paghandaan.

Partikular na dapat ihanda ang mga ospital maging ang pagtugon ng local government units (LGUs) para maiwasan ang ‘transmission’ o pagkalat ng virus.

Nanawagan ang DOH sa publiko na magkaisa sa pagsunod sa minimum public health standards upang hindi magtuloy-tuloy ang pagtaas ng kaso.

Saysay ni Vergeire, nakatutulong aniya rito ang pagsusuot ng facemask at ang pagpapabakuna kontra coronavirus.

Ibinahagi naman ng DOH ang dahilan bakit nagpapatuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Unang-una rito ani Vergeire ang pagpasok ng mga sub-variant ng Omicron sa bansa gaya ng BA.2.12.1, BA.4 at BA.5.

Ang nabanggit na sub-variants ay base aniya sa ebidensya at kaganapan sa iba’t ibang bahagi ng mundo na mas transmissible kaysa sa orihinal na Omicron.

Pangalawa ang nakikitang mobility patterns sa buong bansa kung saan halos 100% capacity ng lahat ng mga sektor at establisimyento na nakapagdulot din ng mas mabilis na transmission ng sakit.

Pangatlo, humihina na ang immunity dahil sa mabagal na uptick ng booster shots.

Patuloy na hinihikayat ng DOH ang publiko na magpa-booster na para tumaas uli ang immunity sa populasyon at maputol ang transmission.

 

Follow SMNI News on Twitter