Covid-19 cases sa Maynila tumaas, security measures hinigpitan. Ipinag-utos ni Manila City Mayor Isko Moreno sa mga Enforcement Unit ng local government na higpitan ang lahat ng Health and Security measures sa ginta ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa Maynila.
Sa Directional meeting kaninang umaga, inatasan ni Moreno ang Manila Police District na paigtingin ang police presence sa lahat ng mga kalsada at barangay para mahigpit na ipatupad ang minimum health protocols.
Gayunman, pinaalalahanan ng alkalde ang mga pulis na manatiling magalang sa publiko.
Bukod dito, ipinaalam ni Moreno kay Manila Barangay Bureau (MBB) Director Romy Bagay na pinapayagan na ngayon ang barangay-level lockdowns sakaling tumaas ang kaso ng COVID-19 sa mga komunidad.
Daan-daang COVID-19 safety marshals din ang muling ide-deploy sa lungsod ng Maynila kung saan ipinag-utos ni Moreno sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na dagdagan ang security personnel ng MPD.
Pinaghahanda din ng alkalde sa General Services Office, Department of Engineering and Public Works at Department of Public Services ang mga food boxes na ipamamahagi samahigit 700,000 pamilya sa lungsod.