COVID-19 cases sa Pilipinas, umabot na sa 603,308

SUMAMPA na sa 603,308 ang COVID-19 cases sa Pilipinas hanggang ngayong Miyerkules, Marso 10.

Ito ay matapos makapagtala ang Department of Health (DOH) ng 2,886 na panibagong kaso ng naturang virus.

Ayon sa DOH, umabot na sa 546,293 ang mga gumaling sa COVID-19 matapos 221 pang mga pasyente ang nakarekober sa sakit.

Tumaas na rin sa 12,545 ang total ng mga namatay matapos makapagtala ng 17 pang nasawi sa sakit.

Habang mayroon pa rin ang bansa ng 44,470 na aktibong kaso kung saan 91.7% dito ang mild, 4% ang asymptomatic, 1.7% ang critical, 1.7% ang severe at 0.80% ang moderate.

COVID-19 cases sa Taguig City

Samantala, nakapagtala ang Taguig City Epidemiology Disease and Surveillance Unit (CEDSU) ng 55 na karagdagang COVID-19 cases at 27 recoveries.

Dahil dito, pumalo na sa 12,522 ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng sakit sa lungsod.

Habang nasa 12,199 ang bilang ng mga nakarekober sa sakit na may 97.42% recovery rate.

Walang nadagdag sa bilang ng mga nasawi kaya ito ay nananatili sa 184 na may 1.47% case fatality rate (CFR).

Habang ang bilang ng mga active cases sa Taguig ay umabot na sa 139 nitong March 9, 2021.

Gumaling mula sa COVID-19 sa Quezon City

Nasa 91% o 31,633 na ang gumaling mula sa COVID-19 sa Quezon City.

Ito ay mula sa 34,561 na kabuuang bilang ng nagpositibo sa coronavirus sa lungsod.

Sa datos ng QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit (CESU) hanggang kaninang alas 8 ng umaga, 2,100 ang kumpirmadong aktibong kaso ng sakit dito.

Nananatili naman sa 3 percent o 858 ang bilang ng mga nasawi.

Sinabi ng city government na dumadaan sa validation ng CESU, health center staff at mga opisyal ng barangay ang datos na mula sa Department of Health (DOH) para masigurong sila ay residente ng QC.

Maaari naman anilang magbago pa ang bilang ng mga kaso sa lungsod dahil na rin sa isinasagawang community-based testing.

Pinoy na nasa ibang bansa, naitala ang 5 new COVID-19 cases

Nakapagtala ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng limang bagong kaso ng COVID-19 cases mula sa mga Pinoy na nasa ibang bansa.

Dahil dito, umabot na sa 15,870 ang mga overseas Filipino na nagpositibo sa coronavirus.

Sa datos ng DFA hanggang ngayong araw, Marso 10, nasa 5,281 overseas Filipino ang patuloy na ginagamot.

Umabot naman sa 9,548 ang kabuuang bilang ng mga gumaling ng Pinoy matapos itong madagdagan ng isa.

Wala naman nadagdag sa mga nasawi kaya nanatili ito sa 1,041.

Pinakamarami pa rin na tinamaan ng COVID-19 ang mga Pilipino na nasa Middle East na nakapagtala ng 8,880 na kaso.

Sinundan ito ng Asia Pacific Region na may 2,960 cases, Europe na may 3,142 habang 888 sa Amerika.

SMNI NEWS