COVID-19 death toll sa buong mundo, pumalo na sa 2 milyon ayon sa Johns Hopkins

AYON sa datos ng Johns Hopkins University, lumampas na sa 2 milyon ang death toll sa mundo dahil sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 nitong Biyernes, Enero 15.

Nanatili ang United States sa mga bansang may pinakamataas na nasawi na umabot na sa mahigit 390,000.

Ayon sa COVID Tracking Project ng US, kasalukuyang nasa mahigit 3,000 ang karaniwang nasasawi sa kada araw sa Amerika at inaasahang lalampas sa 400, 000 ang bilang sa susunod na linggo kapag mananatili ang karaniwang bilang ng mga nasawi sa bawat araw.

Naitala rin sa Amerika na halos quarter-million ang bagong kaso na nairekord bawat araw.

Kabilang naman sa mga bansa na may rekord ng mahigit sa 100,000 death toll ang Brazil na may 207,000; India na may 152,000; Mexico 138,000.

Naitala naman ang kabuuang death toll sa United Kingdom sa 86,000 habang ang Italy sa 81,000.

Sa ngayon ay nasa 93.3 milyon ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa mundo at 51.5 milyon dito ang nakarekober na.

SMNI NEWS