COVID-19 second booster shots, sisimulan sa lalong madaling panahon – Vaxx Expert Panel

COVID-19 second booster shots, sisimulan sa lalong madaling panahon – Vaxx Expert Panel

SINIMULAN nang pag-usapan ng Vaccine Expert Panel ang guidelines patungkol sa pagbibigay ng COVID-19 second booster shots.

Tiniyak ng Vaccine Expert Panel na uumpisahan na sa lalong madaling panahon ang pagbibigay ng COVID-19 second booster shot o fourth dose sa eligible population.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Vaccine Expert Panel  Chairperson Dr. Nina Gloriani na oras na mailalabas na ang rekomendasyon ng Health Technology Assessment Council (HTAC) doon sa pamamahagi ng second booster dose, ay sisimulan na ang pamamahagi ng second booster.

“As soon as lumabas po iyong HTAC recommendation at iyong napirmahan na ni Secretary Duque. Actually, ready na po iyong ating NVOC, iyong guidelines nila ay naiayos na at ma-employ na sa magpa-vaccines. So, any time after that, maaaring bukas. Basta soon, for those who are eligible,” ayon kay Gloriani.

Para sa magpapa-second booster dose, sinabi ni Gloriani na kailangan lamang dalhin ng mga eligible population ang kanilang original vaccination cards.

Ito ay bilang patunay na nakatanggap na ang mga ito ng primary series noong vaccination at iyong kanilang first booster.

Kailangan din na magdala ng isang valid ID.

Kung kabilang naman sa A3 Category o Persons with Comorbidities, kailangang magpresenta ng medical certificate na sila ay immunocompromised at mayroong kondisyon na magpapahintulot sa kanila na mabigyan ng second booster dose.

“Iyon iyong nakasulat ngayon sa guidelines for the second dose ng mga individuals with comorbidities and immunocompromised state. Although ang alam ko, iyong may mga chronic na mga diseases, like iyong diabetes, maaaring puwede rin. So, lalabas din iyong guidelines,” ani Gloriani.

Pagdating naman sa brand ng second booster na ibibigay, hindi na kailangang kapareho pa rin ng first booster.

Saad ni Gloriani,  kung ano ang available na brand ng bakuna sa local government unit (LGU) o doon sa vaccination sites, ay iyon ang ibibigay.

Samantala, ibinahagi ni Gloriani na may rekomendasyon na rin silang isinumite sa Food and Drug Administration (FDA) na bigyan ng first booster ang nasa edad 12 hanggang 17.

Para aniya ito sa dagdag proteksyon lalo na sa mga batang nagbalik na o magbabalik face-to-face classes.

“Kaya lang nasa HTAC pa ulit iyong ating final decision and recommendation especially iyong 12 to 17. Wala pa po talaga for the five to eleven, pero 12 to 17 mayroon na po kaming rekomendasyon, waiting na rin po noong pag-aaral pa na additional ng ating HTAC,” saad ni Gloriani.

Sa usapin pa rin ng face-to-face classes para naman sa mga estudyante sa kolehiyo, napag-uusapan na ang pag-require sa bawat college student na kumuha ng PhilHealth insurance bago sila papayagang makabalik sa physical classes.

Kinumpirma naman ito ni Dr. Shirley Domingo, ang Vice President for Corporate Affairs at Spokesperson ng PhilHealth.

Aniya, naaayon ito sa joint department order ng Department of Health (DOH) at ng Commission on Higher Education (CHED).

“Nakalagay po doon na iyong estudyante ay kailangan pong magkaroon ng PhilHealth registration o kahit anong katumbas na medical insurance para magkaroon naman sila ng proteksiyon habang nagpi-face-to-face classes po sila,” pahayag ni Domingo.

Iniulat naman ni Domingo na may natanggap ng aplikasyon ang PhilHealth mula sa mga estudyante.

“Mayroong dumidiretso sa ating mga offices, mayroong schools doon sa ating region na sila ang nakikipag-coordinate sa ating mga regional offices para doon na mag-register iyong ating mga estudyante sa school nila at sila na to forward sa offices natin. So mas maganda po iyon, mas madali sa ating mga estudyante po iyon,” ani Domingo.

Gayunpaman, wala pang datos ang PhilHealth kung ilang application na from the students ang kanilang natanggap.

Saysay ni Domingo, tuloy-tuloy pa ang nagri-register na mga estudyante mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Follow SMNI News on Twitter