PUNO na ang COVID-19 ward at Intensive Care Units (ICU) ng St. Luke’s Medical Center (SLMC) sa Taguig at Quezon City.
Ito ang inanunsyo ng St. Luke’s kaninang umaga sa gitna na rin ng pagtaas ng kaso ng coronavirus sa bansa.
Gayunman, sinabi ng SLMC na nanatiling “full service” ang kanilang dalawang branch para sa mga non-COVID-19 cases na pawang outpatients at inpatient.
Tiniyak naman ng ospital na laging magbibigay ng update ukol dito.
Samantala, nanawagan ng karagdagang healthcare workers ang ilang ospital sa bansa sa gitna ng patuloy na pagdami ng bilang ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Philippine Hospital Association Pres. Jaime Almora, kinakailangan na ngayon ng reinforcement ng medical workers partikular ng mga nurse na tututok sa COVID-19 patients.
Giit nito, pagod na at kulang na kulang na ang bilang ng mga nurse ngayong punuan na ang ilang mga pagamutan.
Mungkahi ni Almora, pansamantala munang kumuha ng nurse sa pulisya at militar o sa call center na aniya pinagtatrabahunan ng ilang nurses.
Pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) kung paano magkakaroon ng karagdagang health workers upang matugunan ang surge sa COVID-19.
Ito ay kasunod ng panawagan ng ilang ospital sa bansa hinggil sa kakulangan ng medical workers sa gitna ng pandemya.
Ayon kay DOH Usec. Rosario Vergeire, naghahanap na ng posibleng paraan ang ahensiya upang magkapagbigay ng karagdagang health human resources sa mga ospital partikular sa high risk areas.
Kabilang aniya sa tinitignan ngayon ng DOH ay ang halintulad ng isinigawang hakbang noong nakaraang taon kungsaan humingi ng tulong mula sa mga rehiyon na hindi apektado ng pagdami ng kaso.
Ilang sa itinuturong dahilan sa nararansang reduced workforce ng ilang ospital ay ang pagkakasakit ng HCWs, pag-leave at pag-resign sa trabaho.
Umapela ngayon ang Department of Health sa lahat ng pagamutan sa bansa na magdagdag ng bed allocation para sa COVID-19 cases.
Ito’y upang mas mapalawak pa ang pagtugon sa pangangailangan ng dumaraming bilang ng tinatamaan ng virus.
(BASAHIN: Dalawang COVID-19 variants, nadiskubre sa lahat ng lungsod sa Metro Manila)
Panawagan ni DOH Usec. Rosario Vergeire sa kapwa pampubliko at pampribadong ospital, tulungan ang pamahalaan sa pagharap sa nararansang surge.
Aniya, kung maari ay palwigin pa ng mga ospital ang kanilang alokasyon upang mas maraming pasyente ang kanilang ma-okumuda at matulungan.
Nauna naman nang inihayag ng ilang pribadong ospital na hindi nito maaring basta-basta dagdagan ang COVID-19 bed allocation nang hindi dinaragdagan ang bilang ng kanilang health worker.