KAMAKAILAN lang umalis na sa Escoda Shoal ang pinakamalaking barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Teresa Magbanua at bumalik sa Puerto Princesa Port.
Ito’y dahil sa masamang panahon, pag-ubos ng mga gamit, at pagkakasakit ng ilang tauhan dahil sa kakulangan ng pagkain at tubig.
Ayon kay National Maritime Council (NMC) spokesperson Alexander Lopez, ang mga nasabing crew na naka-dextrose na nakita nang ibaba sa barko ay nasa maayos nang kalagayan o nasa ‘full duty status’ na ulit ngayon.
Kasalukuyang nagpapahinga lang ang mga ito habang ang iba ay binigyan ng psychological at mental rehabilitation.
“Ang tawag nga doon ay in full duty status na ulit sila – back to normal na status. So, nagpapahinga lang ho sila ngayon and the other crews are being given iyong kanilang parang psychological, mental rehabilitation para lang maibalik iyong kanilang full 100 percent status and willingness to go back to sea,” wika ni Alexander Lopez, Spokesperson, National Maritime Council.
Sinabi ni Lopez na tumagal ng limang buwan ang pananatili ng mga tauhan ng PCG kaya ganoon na lamang aniya ang psychological effect nito sa kanila.
“More than five months actually. So, you just imagine iyong psychological effect, iyong naubusan sila, depleted iyong kanilang provisions – so, things like that,” dagdag ni Lopez.
Tungkol naman sa bilang ng Chinese vessels na nakita sa Escoda Shoal nang umalis ang BRP Teresa Magbanua, ani Lopez,
“Kung ang timeframe natin is before umalis iyong Magbanua, marami talaga. Pero noong umalis iyong Magbanua, kumaunti din sila eh, especially now na masama iyong panahon ‘no. Mahirap ding ano ‘no, kasi aalun-alunin sila so marami ring umalis eh, marami rin,” aniya.
Muli namang binigyang-diin ng NMC na pananatilihin ng Pilipinas ang presensiya nito sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea (WPS).
“That is part of our strategic presence whether we bring in a new ship or do it in another way, aerial and what have you. Basta ang ano natin doon hindi natin iaabandona and we will have a 24/7 monitoring and detetion capability around the area,” giit nito.
Nitong Abril, pinadala ng Philippine Coast Guard ang BRP Teresa Magbanua (MRV09701) para subaybayan ang reclamation activities ng Tsina sa West Philippine Sea, at panatilihin ang presensiya ng Pilipinas doon.