ISANG cruise ship na may dalang daan-daang pasyente na positibo sa COVID-19 ang dadaong sa Western Australia ngayong linggo.
Ang barko na Queen Elizabeth ay napwersa na huwag dumaong sa Bali, Indonesia at sa halip ay magtutungo na lamang sa Western Australia ngayong linggo.
Ang nasabing barko ay mayroong 2,081 pasahero na on board para sa 17 araw na paglalakbay sa Indonesia na umalis sa Sydney noong nakaraang Lunes.
Lumabas naman sa pagsusuri na 200 pasahero ang nagpositibo sa COVID-19.
Ang nasabing barko ang ikalawang barko sa Carnival Australia na nagkaroon ng COVID-19 outbreak, ang una ay ang Majestic Princess Cruise Ship na dumaong naman sa Sydney na may higit 800 pasahero na positibo sa COVID-19.
Ayon sa mga ulat, hinihiling sa mga cruise ship na 95 porsyento sa mga pasahero nito na higit 12 ang edad ang nabakunahan na laban sa COVID-19.
Ang barko ay tinatayang darating sa Fremantle sa Nobyembre 30.