ISINAILALIM sa lock down ang opisina ng Civil Service Commission (CSC) sa Bicol matapos magpositibo sa COVID-19 virus ang isang empleyado nito.
Simula Marso 8 hanggang Marso 12 ang nasabing lock down ng CSC-Bicol bilang pagtalima sa health protocols upang mapigilan ang paglaganap ng virus.
Ayon Atty. Daisy Punzalan Bragais, CSC regional director, hindi mauudlot ang transaksyon ng ahensiya dahil magtatrabaho pa rin ang mga empleyado sa kanilang bahay sa pamamagitan ng electronic online service.
Dinala naman sa quarantine facility ng lungsod ang COVID-19 positive na empleyado habang ang 40 na mga kawani ng ahensiya ay inilagay sa home quarantine habang hinihintay pa ang kanilang reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test.
Magbabalik ang regular na operasyon ng ahenisya sa Marso 15.
Ito na ang panglimang ahensiya ng gobyerno sa Bicol na isinailalim sa lock down dahil sa banta ng COVID-19 kabilang ang Department of Education, Government Service Insurance System (GSIS), Pag-IBIG Fund, at ang Legazpi City Hospital.