POSIBLENG mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasa likod sa pamamaril sa isang kapitan ng Brgy. Anagasi, Paranas, Samar nitong Sabado, Setyembre 24, 2023.
Kinilala ang biktima na si Tito Tablada Llamado, 59-anyos, at re-electionist sa kanilang barangay para sa nalalapit na Barangay at SK Elections (BSKE) ngayong darating na Oktubre.
Ayon sa impormasyon ng mga awtoridad, nakita ang biktima kasama ang kaniyang asawa sa kanilang bukirin nang puntahan ang mga ito ng isang armadong grupo na pinaghihinalaang miyembro ng NPA.
Napag-alaman na isang dating NPA na nagbalik-loob sa pamahalaan si Llamado at kasalukuyang katuwang ng pamahalaan sa programa ng National Task Force to End Local Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Agad namang kinondena ng PNP Regional Office 8 ang pangyayari kasabay ng pagtitiyak na maubos na ang mga natitira pang kasapi ng CPP-NPA-NDF sa Samar dahil sa patuloy na pang-aabuso ng mga ito sa nasabing rehiyon.