GALIT na sinupalpal ng pamunuan ng Liga ng mga Magulang ang mga kontra sa SIM Registration Act, partikular na ang mga miyembro ng CPP-NPA-NDF.
“Ayaw nila i-register ‘yung mga SIM card nila, madi-detect at makikilala kung sinu-sino ang kanilang mga contacts thru SIM card registration,” ayon kay Remy Rosadio, President, League of Parents of the Philippines (LPP).
Ito ang bwelta ng pamunuan ng Liga ng mga Magulang sa bansa matapos na ayaw lubayan ng propaganda ng CPP-NPA-NDF ang SIM Registration Act sa bansa.
Giit ng grupo, natatakot lamang ang mga ito dahil sa posibilidad na mabisto ang masasamang balakin ng mga komunista at terorista, kasama na ang mga kriminal sa bansa.
“Itong mga NPA naman, ang means ng communication nila is through cellphone. Kaya kung ipa-register ang kanilang mga SIM card, malalaman kung ano ang kanilang pagkatao, ano ang kanilang ginagawa at kung may mangyaring bombahan alam na sa kanila, kasi naka-register,” ayon kay Rosadio.
Naniniwala rin ang LPP na maaaring katapusan na ng mga miyembro ng NPA ang kasalukuyang implementasyon ng SIM registration lalo pa’t pumapasok na rin anila ang mga ito sa makabagong teknolohiya para manlinlang ng kapwa.
“Sa ngayon kasi parang ano na ‘yan sila eh, humihina na, lalo na namatay na ang kanilang lider na si Joma Sison, kaya kumbaga sa ano, lahat ng ginagawa nila ngayon ay nag-iingat sila. Wala na ‘yung pinaka-leader nila. Kaya, ang panawagan ko sa kanila na mag-surrender na lang, gamitin ang mga benepisyo na ibinibigay ng gobyerno para sa kanila,” dagdag pa ni Rosadio.
Matatandaang, una nang nagreklamo ang kilalang mga partido ng NPA sa Kamara kaugnay sa kanilang pagtutol sa pagpapatupad ng SIM registration sa bansa dahil sa ilang glitches nito.
Pero kalaunan din naman ay naging maayos naman ang sumunod na sitwasyon sa registration ng SIM card sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa katunayan, sa inilabas na datos ng National Telecommunications Commission (NTC), kabuoang 11,219,722 na ang bilang ng registered SIM cards.
Higit isang milyon dito ay mula sa Dito Telecommunity Corp., at higit tig-limang milyon naman ang mga rehistradong SIM cards sa Globe Telecom Inc., at Smart Communications Inc.
Samantala, pinaalalahanan ng ahensya ang publiko hinggil sa 180 days na palugit para makapagparehistro ng SIM card, upang maiwasang ma-deactivate ang ito.
“I’m in favor naman na ipa-register ang mga SIM card kasi marami po tayo na criminalities na nangyayari na lalo na ‘yung mga sa cybercrimes, na ang dali nilang gumawa ng krimen na makabili lang ng SIM card diyan sa palengke tapos itapon na at hindi mo na sila mahabol,” ani Rosadio.