Cyberattacks sa ilang gov’t websites ng Pilipinas, hindi agad maiuugnay sa Chinese gov’t—CICC

Cyberattacks sa ilang gov’t websites ng Pilipinas, hindi agad maiuugnay sa Chinese gov’t—CICC

NATUNTON ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na mula sa isang Chinese state-owned telecommunications operator ang nasa likod ng cyberattacks sa websites ng ilang ahensiya ng ating pamahalaan kamakailan.

Kabilang umano sa tinangkang pasukin ng mga hacker ang official website ng Philippine Coast Guard (PCG), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at ang private website ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Bagama’t na-detect na ang Internet Protocol address ng hacker ay mula sa ‘China Unicom’, hindi naman ito nangangahulugan na ang Chinese government na mismo ang nasa likod ng mga nasabing cyberattack.

Ayon iyan sa attached agency ng DICT na Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).

“Alam niyo sa China, kung Mainland China pag-uusapan natin, everything is state di ba. So, it doesn’t mean na sila iyon. Maybe because this is the only system available for communication,” ayon kay Usec. Alexander Ramos, Cybercrime Investigation and Coordinating Center.

Pagbabahagi pa ni Usec. Alexander Ramos na batay sa kaniyang naging karanasan nang ma-assign siya sa China ay tanging sa pamamagitan lang ng state-owned telecom facility magkakaroon ng access sa komunikasyon.

“Ang hirap pong mag-communicate doon kasi ang daming nabo-block. The only thing you can do for access is use their own state-owned telecom facilities there,” saad ni Ramos.

Paratang na ang bansang China ang nasa likod ng cyberattacks, iresponsable—Chinese Embassy

Samantala, iresponsable naman para sa Chinese Embassy ang paratang ng ilang government official at media ng Pilipinas na ang China ang nasa likod ng cyberattack at iniuugnay pa sa isyu ng South China Sea.

“Some Filipino officials and media maliciously speculated about and groundlessly accused China of engaging in cyberattacks against the Philippines, even went as far as connecting these cyberattacks with the South China Sea disputes. Such remarks are highly irresponsible,” ayon sa Chinese Embassy in the Philippines.

Iginiit ng Chinese Embassy na tutol ang gobyerno ng China sa lahat ng anyo ng cyberattack ayon sa batas.

Hindi nga anila pinapayagan ang alinmang bansa o indibidwal na makilahok sa cyberattack at iba pang ilegal na gawain sa kanilang lupain o gamit ang imprastraktura ng Tsina.

“The Chinese government all along firmly opposes and cracks down on all forms of cyberattack in accordance with law, allows no country or individual to engage in cyberattack and other illegal activities on Chinese soil or using Chinese infrastructure,” ayon pa sa Chinese Embassy in the Philippines.

Dagdag pa ng embahada na ang cybersecurity ay isang pandaigdigang hamon na nangangailangan ng kolektibong tugon mula sa pandaigdigang komunidad.

Kaugnay rito ay nanawagan ang Tsina sa lahat ng mga bansa na sama-samang pangalagaan ang cybersecurity sa pamamagitan ng pagsasagawa ng diyalogo at kooperasyon.

“China calls on all countries to jointly safeguard cybersecurity through dialogue and cooperation,” dagdag pa nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble