PERSONAL na nakita ng ilang opisyal ng Department of Agriculture (DA) na unti-unti na namang bumabalik sa dating presyo ang ilang brand ng imported rice sa palengke sa Metro Manila.
May ilang rice retailer na nagbenta ng imported rice na mataas sa itinakdang presyo sa ilalim ng Maximum Suggested Retail Price (MSRP). Halimbawa na lamang ang tindahan sa Marikina Public Market na halos P50/kg ang presyo ng isang brand ng imported rice.
“Doon nga ako directly kumukuha sa Bulacan sa mga miller and the thing is may other expenses din naman kami besides na rin sa gasoline and other,” ani Pen Roxas, Rice Retailer.
Kaya naman anila nilang ibaba sa presyo na pasok sa MSRP ng gobyerno.
“Pero, wala na kaming profit kumbaga limas lahat, hindi naman talo let’s just say break even ka lang talaga,” ani Roxas.
Bukod pa riyan, isa pang retailer ang aktwal na nakitang pinapalitan ang presyo ng imported rice na nasa P52/kg. Kapareho rin lang ang paliwanag nito sa naunang rice retailer na nasita ng DA officials.
“Kapag matumal ay lugi pa po kami, siguro sa ibang product na lang kami babawi,” ani Arne Cruz, Rice Retailer.
Sinabi ni DA Assistant Secretary Genevieve Guevarra na batay sa paliwanag ng mga retailer, ilan sa pagtaas ng presyo ng imported rice ay dahil sa limitadong suplay, partikular sa Bulacan.
Ngunit, paglilinaw ng DA official, wala dapat dahilan para muling tumaas ang presyo ng bigas sa palengke.
“Ang sinasabi daw sa kanya na from Bulacan, na mayroon daw’ng naka-ambang pagtaas dahil sa taripa and we don’t think na it’s the tariff. Nakakausap naman natin ‘yung mga taga-intercity, wala naman tayong nakikitang problem with supply and tariff kasi wala namang pagtaas ng tariffs,” saad ni Asec. Genevieve Guevarra, Agribusiness, Marketing & Assistance Service, DA.
Dagdag pa ni Guevarra, posibleng sinasamantala ng ilang traders ang pagtaas ng imported rice dahil sa nakatutok ngayon ang DA sa pagpapababa sa presyo ng karneng baboy.
Aminado ang nasabing opisyal na may ilang palengke na naman ang hindi tumatalima sa kautusan.
“Nakikita natin na mayroon talagang hindi na nakakapag-comply doon sa ating P45 na MSRP for imported premium rice,” ani Guevarra.
Asahan aniya ng mga retailer na hindi tatalima sa MSRP na padadalhan din sila ng notice of violation ng ahensiya upang pagpaliwanagin sa hindi nila makatwirang presyo.
Follow SMNI News on Rumble