SEKTOR ng agrikultura ang lubhang naaapektuhan tuwing nagkakaroon ng mga sunud-sunod na kalamidad.
Patunay rito ang pananalasa ng nagdaang Bagyong Kristine na pinalakas pa ng Bagyong Leon— bukod pa diyan ang posibleng epekto pa ng Bagyong Marce.
Ayon sa Department of Agriculture (DA) lagpas na sa 500,000 hanggang 600,000 metriko tonelada ng minimum damage level sa palay ang naitala dahil sa masamang panahon.
Katunayan sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) bumaba ang agriculture, fisheries at livestock output ng Pilipinas sa ikatlong bahagi ng 2024.
Ang pagbaba ng agri output ng Pilipinas sa 3rd quarter ay dahil sa epekto ng El Niño, sunud-sunod na mga bagyo, mabilis na pagkalat ng African Swine Fever (ASF).
Dahil diyan, inamin ng DA na mahihirapan silang maabot ang target nitong 2% na production growth o paglago sa sektor ng agrikultura sa pagtatapos ng taon.
“Medyo mahihirapan kasi lalo na ‘yung 4th quarter kasi marami rin ‘yung national calamities, mga bagyo na could also pull down or re-down ‘yung overall performance ng agri medyo mabigat kasi malaki na ‘yung epekto ng El Niño and then ‘yung La Niña,” saad ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.
Makakabuti aniya na baguhin na lamang ng mga magsasaka ang kanilang cropping calendar upang sa oras ng taniman o anihan ay hindi maapektuhan ng kalamidad.
“Nagsisimula na ‘yung changing ng calendar actually marami na ‘yung nag-start pero hindi kasi biglaan ‘yan. We change the culture, the mindset ng ating magsasaka at ang pinaka-importante diyan ‘yung availability ng water. Hindi kasi basta makasunod sa bagong cropping calendar kung ‘yung mga lugar na walang patubig o limitado ‘yung suplay ng tubig,” aniya.
Mabilis na pag-rekober ng mga magsasaka dahil sa sunud-sunod na kalamidad, pahirapan dahil sa kakaunting suporta ng pamahalaan
Pero, para sa grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) madali lamang makaka-rekober ang mga magsasakang naapektuhan ng kalamidad.
Ito ay kung ibubuhos lang ng pamahalaan ang lahat ng suporta sa mga nasa sektor ng agrikultura na siyang ginagawa ng ibang mga karatig bansa sa kanilang mga magsasaka.
“Sinasabi nga natin kung strong ‘yung agriculture mo dapat madali kang maka-recover. Ang problema natin lahat naman tinatamaan ng bagyo all countries kaya lang ‘yung iba Vietnam, Thailand or even sa Europe basta tinamaan sila ng weather disturbances ay nakaka-recover kaagad kasi strong ‘yung support ng government? Yes, ng-government even the agriculture maganda ‘yung kanilang posisyon so they really recover mapa-crops at tsaka livestock,” wika ni Jayson Cainglet, Executive Director, SINAG.
Tugon naman ng DA diyan.
“Patuloy ‘yung pagbibigay ng mga intervention sa mga apektadong magsasaka at mangingisda para makabangon ulit sila kagaya ng pagbibigay natin ng binhi at pataba para makapagtanim ulit at maka-recover ‘yung ating farming sector ganun din ‘yung pagbibigay ng proteksyon sa kanila pagdating sa mga kalamidad kagaya insurance. So, hindi sila na makapaghinaan ng loob at para makapagtanim ulit and of course ‘yung sa bakuna nga and then patuloy na pagi-invest natin sa irrigation para ‘yung ating cropping calendar ay ma-adjust na natin at eventually ay maiwasan na natin itong mga malalakas na bagyo every 4th quarter,” dagdag ni De Mesa.