NAGTIPON-tipon ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan para sa pagbubukas ng HIBLA BIDA: 2023 National Fiber crops Summit na isinagawa sa tanggapan ng Bureau of Soils and Water Management (BSWM) ng Department of Agriculture (DA), umaga ng Martes.
Ito’y inorganisa ng Philippine Fiber Industry Development Authority (PHILDA) ng ahensiya kasama ang mga stakeholder at industry leaders.
Ang nasabing programa ay dinaluhan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., Senior Usec. Domingo Panganiban, PHILDA Executive Director Atty. Genevieve Velicaria-Guevarra, at Presidential Communications Office (PCO) Cheloy Garafil na kinatawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Sa talumpati ni Sec. Laurel, tiniyak nito na on track ang ahensiya na solusyunan ang problema ng iba’t ibang sektor kasama ang fiber crop industry.
Bubuo ang DA ng mga estratehiya at mga polisiya upang mas mapalago ang sektor.
Ayon naman kay PHILDA Executive Director Guevarra na target nilang mapalawak ang market demand sa mga natural fiber sa bansa kabilang na ang abaca, cotton, pinya, salago, at silk.
Aminado ang opisyal na malaking hamon ang kinakaharap ngayon ng sektor lalo’t isa rin ang Pilipinas sa nakararanas ng pabago-bagong klima na nakaapekto sa produksiyon ng mga fiber crop.
“Ang pinaka o nakikitang problem now is ‘yung of course ‘yung climate change especially sa cotton kasi nakita natin na may planting season talaga ang cotton kaya lang ayaw niya ng ulan. Pero, napansin natin na halos lahat na ng buwan ng taon ay umuulan. So, kapag nauulan kasi ay medyo ‘yung quality sa abaca naman ay may mga viruses tayo and of course ay may mga bagyo tayo ay halos lahat ng abaca natin ay majority sa ating abaca products ay input sa typhoon belt na tinatawag ang ating abaca capital nga ay Catanduanes ay lagi po yan nababagyo,” ayon kay Atty. Genevieve Velicaria-Gueva, Executive Director, PHILDA-DA.
Iniinda rin ng mga abaca farmer ang mababang halaga nito ngayon kumpara noong mga nakalipas na taon.
“Ang problema ngayon is more on the price kasi medyo bumababa ang bentahan o pagbili ng mga abaca tapos hindi ganon ang pagbili ngayon, hindi ganon kataas unlike noong pandemic na medyo mataas ‘yung bentahan. Siguro naman ngayon ay naapektuhan tayo sa giyera sa ibang bansa kasi marami po tayong buyers sa foreign market,” dagdag ni Atty. Gueva.
Nararapat lang aniya itong mabigyan ng prayoridad ng pamahalaan lalo’t malaking ambag sa kita ng gobyerno ang pagi-export ng fiber crop product na umaabot sa $315-M.
Kaya naman ang DA ay nagbibigay ng iba’t ibang kagamitan na magagamit ng mga magsasaka na makatutulong sa paglago ng kanilang produksiyon.
“Pinu-providan din ng mga weaving center, processing center at binibigyan din natin sila ng additional support on the basta ito ay mga farmer communities na gustong mag venture sa fiber. Binibigyan natin sila ng opportunity na magtayo ng negosyo nila using our fibers,” ani Atty. Gueva.
Samantala, nagkaroon naman ng fashion show at exhibit sa nasabing tanggapan kung saan ibinida ang mga iba’t ibang kasuotan na gawa sa textile fiber.