HILING ng Department of Agriculture (DA) na mabigyan sila ng kapangyarihang mapanagot o mag-prosecute ng mga taong dawit sa smuggling.
Ayon sa ahensiya, ang kapangyarihan na manghuli ay nasa Department of Justice (DOJ) at Bureau of Customs (BOC) lamang.
Matatandaan na mayroon nang apat na indibidwal na pinangalanan ng Senado noong nakaraang pagdinig bilang nasa likod ng big time smuggling sa bansa.
Ayon pa kay DA Undersecretary Fermin Adriano, bumuo na sila ng sariling imbestigasyon para malaman kung may mga mismong nagtatrabaho sa ahensiya ang dawit sa smuggling.
Ang mga mapatutunayang dawit sa smuggling ayon kay Adriano ay maaring masampahan ng reklamo para sa economic sabotage.
Inamin din ng ahensiya na maging ang mga palm oil ay naii-smuggle na rin.
Dahil sa technical smuggling sa palm oil sa pamamagitan ng misdeclaration ay malaki aniya ang nawawalang buwis sa pamahalaan.
Sa kabilang banda, sinabi ni Senate President Tito Sotto III na wala pa ring ibinibigay na listahan o pangalan ang National Intelligence Coordination Agency (NICA) para sa mga nagsisilbing protector ng smuggling sa bansa.
Sa isang mensahe, babala ni Sotto sa NICA na hindi magugustuhan ng ahensya ang kaniyang gagawin kung sakaling mabibigo pa rin ito na magpalabas ng listahan sa susunod na pagdinig.
Sa huling hearing ng Senado, sinabi ng NICA na may 20 pangalan sa kanilang listahan kasama na ang mga protector ng smuggling.
Pero hindi pa raw nito maipalalabas ang mga pangalan dahil kasalukuyan pa itong bina-validate.