PASADO alas otso ng umaga ng Miyerkules ng Hunyo 18 nang sinuyod ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga tindahan sa loob ng Paco Market sa Maynila.
Mula sa mga tindahan ng karneng baboy, manok, isda, at bigas upang alamin ang aktwal na presyuhan nito sa palengke.
Sa pag-iikot ng kalihim, nasa apat na tindahan ng gulay ang nadiskubreng nagbebenta ng puslit na mga pulang sibuyas.
Ang malala pa aniya ay walang inilabas na import permit ang ahensiya para umangkat ng nasabing produkto.
“Lahat ng imported onions sa mga palengke ay smuggled ‘yan.”
“After this confirmation na mayroon dito sa Paco Market if it safe to assume na nasa lahat ng market ‘yan,” ayon kay Sec. Franciso Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.
Padadalhan ng show cause order ng DA ang apat na stall na nadiskubreng nagbebenta ng smuggled na pulang sibuyas upang pagpaliwanagin kung sino at saan nanggaling ang mga suplay.
“I’m very concerned kasi ngayon dapat bumawi ang mga farmer. Nababawasan ang kita ng ating mga farmer at ang kumikita lang ay ‘yung walang investment sa pawis at pagod,” dagdag ni Laurel.
Pero, paliwanag naman ng mga retailer na nagbebenta ng smuggled pulang sibuyas sa Paco Market:
“Hindi po kasi namin alam na smuggled po ‘yan kasi inaangkat lang namin ‘yan sa Divisoria,” ayon sa nagtitinda ng smuggled pulang sibuyas.
Dagdag ng may-ari ng tindahan, mas mura kasi ang imported na pulang sibuyas kung ikukumpara sa presyo ng lokal na sibuyas.
Naibebenta kasi nila sa halagang P120 kada kilo ang mga imported na pulang sibuyas habang umaabot naman sa P150/kg ang sa lokal.
Kaugnay nito, tutulong na rin ang Philippine National Police (PNP) sa pagtunton sa mga smuggler na patagong naglalabas ng puslit na produkto sa merkado.
“Iimbestigahan ‘yan and nabanggit natin na top to bottom na lang from the sources. We would like to track down kung saan ‘yung volume na pinanggalingan niyan, for the said confiscation and filing of cases,” pahayag ni Lt.Gen Edgar Okubo, Chief Directorial Staff, PNP.
Gayunpaman, handa namang makipagtulungan ang mga retailer sa DA sa pagtukoy kung saan nila nabili ang mga nadiskubreng smuggled na pulang sibuyas.