KARAMIHAN sa mga agricultural commodity ay pinag-aaralang lagyan ng Maximum Suggested Retail Price (MSRP) ng Department of Agriculture (DA).
Unang ipinatupad ang hakbanging ito sa mga imported na bigas, sinundan ng lokal na karneng baboy, ngunit kalauna’y binawi ng ahensiya matapos mabigong mapasunod ang mga retailer.
Gayunpaman, muling ipatutupad ng DA ang MSRP sa frozen o imported na baboy sa buwan ng Agosto.
Ngayon, pinag-aaralan na rin ng DA ang posibilidad na ipatupad ang MSRP sa imported na karneng manok.
“Para magkaroon din ng pagsunod kagaya sa pork at maiwasan din ‘yung sobrang pagtataas ng mga produkto. Kagaya nung sa chicken and other poultry products,” ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.
“To moderate the retail prices amid ‘yung tight domestic supply,” aniya.
Ayon sa DA, naaapektuhan na ang bentahan ng lokal na karneng manok dahil sa pagdagsa ng frozen o imported na produkto sa mga palengke.
Layunin ng ahensiya na maagapan ang posibleng pananamantala sa presyo at suplay.
Sa ngayon, patuloy pang pinag-aaralan kung magkano ang magiging presyo ng imported na manok sa ilalim ng MSRP.
Sa panig ng United Broiler Raisers Association (UBRA), hindi pa nila matiyak kung magiging epektibo sa kanilang sektor ang planong ito ng DA.
Kung maipatutupad sa Setyembre, posible anila na kapareho lang ito ng naging implementasyon sa bigas—na hindi rin nakatulong sa mga magsasaka.
“Mahirap magsabi kung ‘yan ay mabisa o hindi. Dahil, aantayin ko rin na makipagtalakayan at konsultahin kami,” wika ni Atty. Bong Inciong, President, UBRA.
Kalaban pa rin umano ng industriya ang pagbaha ng imported na karneng manok sa merkado, lalo na’t marami ang tumatangkilik sa naturang produkto.
“Ang karaniwang gumagamit niyan ay ‘yung nga food service institution—’yung mga fast food, mga restaurant, hotels,” pahayag pa ni Inciong.
Gayunman, nananatili pa rin umano na mas pinipili ng mga pamilyang Pilipino ang lokal na karneng baboy sa araw-araw na konsumo.
Aminado rin ang grupo na may pagsirit sa presyo ng lokal na karneng manok sa mga nagdaang buwan.
“Noong first quarter ay maraming yugto na nalugi ang maraming nag-aalaga tapos kulang din talaga ng sisiw, napakataas ng puhunan sa sisiw—umabot pa ‘yan ng P55 to P60. Pagkatapos, ang nakadagdag diyan nitong bago matapos ang Hunyo ay masama talaga ang klima at mataas ang, humidity kaya mahina ang manok,” ani Inciong.
UBRA: Paghihigpit ng mga LGU sa Central Luzon sa sektor ng pagmamanok, nakaapekto sa presyo
Ngunit mas malaki ang naging epekto sa presyo ng lokal na manok sa Metro Manila ng paghihigpit ng ilang LGU sa Central Luzon.
Dahil dito, nahihirapan umano ang mga producer na makapagbiyahe ng mga sisiw papunta sa mga manukan.
Ang Region 3 o Central Luzon kasi ang isa sa pangunahing pinagkukunan ng supply ng lokal na manok ng Kamaynilaan.
Kaya naman, nananawagan ang UBRA sa DA na tugunan ang suliraning ito sa zoning at transportasyon.
Samantala, ayon sa price monitoring ng DA, kasalukuyang nasa P220–P250 ang presyo ng lokal na whole chicken mas mataas ito kumpara sa dating presyo na nasa P160–P180 kada kilo lamang.