PINANGANGAMBAHAN ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng ‘shortage’ sa suplay ng pula’t puting sibuyas ngayong buwan ng Pebrero.
P120 lang kada kilo ang bentahan ng lokal na pulang sibuyas ni Emy Aguam noong nakaraang linggo.
Ngunit ngayon, tumaas ito ng P80—dahilan kung bakit naglalaro na sa P200 ang kada kilo nito.
Paliwanag niya, limitado lang kasi ang nakukuhang suplay.
“Tumaas na raw dahil kakaunti raw ang suplay dahil maliit ang mga naani ng mga magsasaka,” ayon kay Emy Aguam, tindera ng sibuyas.
Reklamo nga aniya ng ilan sa kaniyang mga suki—mahal na nga pero kasing laki lang ng lima o sampung piso.
Base na rin aniya sa kaniyang supplier ng sibuyas ay posibleng magbago pa ang presyo nito sa mga susunod na araw.
Kung pagbabasehan din ang price monitoring ng Department of Agriculture (DA), naglalaro sa P110 hanggang P220 ang kada kilo ng mga maliliit na pulang sibuyas.
Habang P120 hanggang P140 naman sa kada kilo ng puting sibuyas.
Sa nakuhang datos mula sa isang source, aabot na lamang sa higit 7,000 metriko tonelada ng pulang sibuyas ang suplay ng bansa na posibleng maubos ngayong linggo.
Nasa halos 18,000 metriko tonelada naman ang monthly consumption ng pulang sibuyas ng mga Pilipino.
Ngunit ang inaasahang produksiyon daw ng pulang sibuyas para sa buwan ng Pebrero ay nasa higit 10,000 metriko tonelada lang.
Ibig sabihin, mahigit 7,000 metriko tonelada ng pulang sibuyas ang ‘shortage’ sa Pebrero.
Kinumpirma naman ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa isang text message na may nakaambang nga na ‘shortage’ sa suplay ng sibuyas ngayong buwan.
“The fact is there is a shortage for February. Ang shortage predicted is 7,000 metric tons,” Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.
Sabi pa ng kalihim, kung hindi aaksiyunan ang posibleng ‘shortage’ ay baka makaapekto ito sa presyuhan sa pamilihan.
“If I don’t react then surely tataas and mag-spike ang presyo which is happening now sa red onions. It is a safer option to allow limited quantity na importation para pangtawid to keep prices and supply stable,” saad ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.
Paglilinaw ni Laurel, nasa 3,000 metriko tonelada lang daw ng pulang sibuyas ang aangkatin at 1,000 metriko tonelada naman sa puting sibuyas na kailangang maparating sa bansa bago ang Pebrero 20.
“Only allow 3,000 metric tons of red onion to be imported and may must arrive date of February 20. It is always safer to have some buffer stocks than none at all,” Sec. Francisco Tiu Laurel, Jr. Department of Agriculture.
SINAG, kontra sa planong pag-aangkat ng sibuyas; Farm gate price, posibleng mabarat
Ang pahayag na ito ay kinontra ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG).
Sabi ng SINAG, bakit mag-aangkat ng pula’t puting sibuyas gayong tuloy-tuloy naman ang anihan ng lokal.
“So, concern tayo kung saka-sakaling ma-aprubahan ‘yan ‘yung pasok mismo ng imported onions sasabay siya sa anihan na. In fact, anihan na ngayon na delay nga lang. So, it is a major concern for us,” ayon kay Jayson Cainglet, Executive Director, SINAG.
Dagdag pa ng grupo, ngayon pa nga lang ay bumaba na raw sa P80 hanggang P100 ang farm gate price sa lokal na pulang sibuyas.
Malayo aniya ito sa P120 na tamang farm gate price lalo’t nagsisimula pa lang ang anihan.
“Mas mababarat nila ang mga farmer. May nagpunta na raw kahapon na mga bumibili pero hindi pa bumili wait and see sila kung talagang matutuloy ‘yung importation. Dalawang side ‘yan sa retail dahil may shortage ka na ina-anticipate tataas tapos sa farm gate ay papasok naman ‘yung import kasabay ng harvest mo namo-problema ang mga farmer natin kasi baka bumagsak na naman ang farm gate ng onion at malugi sila,” ani Cainglet.
Wala naman daw’ng problema sa importasyon ngunit kailangan daw matiyak kung mayroon nga bang kakulangan sa suplay.
Importante rin daw na konsultahin ng ahensya ang mga magsasaka at mga grupo na nasa sektor ng naturang industriya.
Samantala, umaasa ang SINAG na mas pag-aaralan pa ng DA ang kanilang plano dahil magdudulot ito ng malaking problema sa mga magsasaka ng sibuyas.
Follow SMNI News on Rumble