DA: P40/kg na bigas, mabibili na sa 5 palengke at 2 istasyon ng tren sa Metro Manila simula sa Dec. 5

DA: P40/kg na bigas, mabibili na sa 5 palengke at 2 istasyon ng tren sa Metro Manila simula sa Dec. 5

NAGLALARO pa rin sa P45 per kilo hanggang P65 ang presyuhan ng well-milled rice sa mga palengke sa Metro Manila.

Nananatiling mahal kahit pa may sapat naman na suplay at mababa na rin ang presyo sa pandaigdigang merkado.

Sabi nga ng Department of Agriculture (DA), mababa rin ang farm gate price ng palay, mababa na rin ang bigay ng mga trader sa mga nagtitinda ng bigas.

Posible anila nasa mga rice retailer na ang problema sa kung bakit tuluy-tuloy pa rin ang paggalaw sa presyo nito sa merkado.

May mga rice retailer pa rin kasi na hindi tumalima sa P42-P45 per kilo kahit may napagkasunduan na.

Para mapilitan ang mga rice retailer na maibaba ang kanilang presyo—may plano ang DA.

Simula bukas, Disyembre 5 ay maaari ka nang makabili ng P40 na kada kilo ng bigas. Hanapin mo lamang ang kiosk ng mga ‘Kadiwa ng Pangulo’ sa piling palengke at istasyon ng tren sa Metro Manila.

Kabilang ang Guadalupe Public Market, Malabon Central Market, New Las Piñas City Public Market, Pasay City Public Market, at Kamuning Market na magbebenta ng murang bigas sa ilalim ng Rice for All program.

“Ito ‘yung mga palengke na medyo mataas ‘yung presyo ng bigas sa kasalukuyan. You can check, nasa range ng 45 more than 50 pesos lalo na sa Pasay medyo mataas ‘yung presyo ng well-milled rice. Part na rin ito na mayroon talagang mababa na presyo na puwedeng makuha o ma-avail,” saad ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

Bukod sa palengke, magbebenta rin ang ‘Kadiwa ng Pangulo’ kiosk sa MRT North Avenue Station at LRT Monumento Station.

Sa susunod na mga linggo ay maglalagay rin nito sa iba pang palengke dito pa rin sa Metro Manila—kabilang ang Balintawak Market, Cartimar Market, Grace Market sa Pateros, Maypajo Public Market, at Paco.

Pinag-aaralan ding palawigin ang pagbebenta ng P40 per kilo sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“We identify major public market in major cities nationwide. Kami ngayon ay nakikipag-ugnayan na rin sa kanila para unti-unti na nating mailabas from NCR papunta nga po sa iba’t ibang major cities nationwide,” wika ni Atty. Genevieve Velicaria-Guevarra, Assistant Secretary for Consumer Affairs, DA.

Ilang rice retailer, umalma sa pagsisimula ng bentahan ng P40/kg ng gobyerno

‘Yun nga lang ang hakbang na ito ng Agriculture Department ay pinalagan na ng mga rice retailer dahil mawawalan sila ng mga customer.

Si Javier Villema na matagal nang nagtitinda ng bigas sa Kamuning Market ay dismayado sapagkat binaba na nga niya sa P40 per kilo ang bigas.

“Katunayan niyan kahit tablahan ay nasunod ako. (Hindi ba kayo lugi?) Kahit tabla ang presyo basta’t makasunod lang. Ang panawagan nga namin ay kami ay suplayan ng mababa kami ay magtitinda pero wala kaming makuhang mababa ngayon. ‘Yung nagsusuplay sa amin ang kanilang anuhin huwag ‘yung kami ang aanuhin sa palengke na mataas ang bigas dito hindi naman ‘yan tama eh,” wika ni Javier Villema, Rice Retailer.

Kampante naman si Marideth Cana na marami pa rin ang customer na namimili sa kanila kahit mataas ang presyo ng bigas— kalidad pa rin naman aniya ang pagbabasehan.

“Tuwing humihina ‘yung kanilang popularidad nagagalit ang tao, gagawa sila ng magandang bagay na magugustuhan ng tao, hindi naman ‘yan magtatagal kumbaga sa ningas kugon lang ‘yan,” ayon kay Marideth Cana, Rice Retailer.

Pero, tiniyak naman ng ahensiya na maaaring long term solution ang programang ito lalo’t marami namang suplay ng bigas.

Katunayan, wala ngang limitasyon sa mga customer na bibili ng bigas.

Bukas ang stall ng ahensiya mula Martes hanggang Sabado ng alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble