DA, target makumpleto ang pagbili ng 600K ASF vaccines bago matapos ang 2024

DA, target makumpleto ang pagbili ng 600K ASF vaccines bago matapos ang 2024

TARGET ng Department of Agriculture (DA) na makumpleto ang mga biniling bakuna kontra African Swine Fever (ASF) bago pa man matapos ang 2024.

Mahalaga raw para sa Department of Agriculture na mapadali ang pagdating ng mga bakunang inangkat sa Vietnam na tutugon sa patuloy na pagkalat ng African Swine Fever (ASF) sa bansa.

Sa katunayan, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa Palace briefing na target makumpleto ang pagbili ng 600,000 doses ng bakuna sa katapusan ng 2024.

Inaasahan na nga raw na matatapos ngayong buwan ng Setyembre ang pagtuturok ng unang 10,000 doses ng bakuna kontra ASF.

“The schedule for the award for the next 450,000 doses is October 10, of which we will take delivery of 150,000 doses by then,” saad ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.

Sakali namang matapos ang pagbabakuna ng mga alagang baboy ay tutukan ng ahensiya ang repopulating o pagpaparami ng produksiyon ng alagang baboy.

Ito ay upang mabawi ang lugi ng mga magbababoy dahil sa tumitinding epekto ng ASF sa bansa.

“Hopefully, everything will be implemented on schedule and sana next year, puro repopulating na lang tayo at tuluy-tuloy na iyong paglaki, babalik  iyong population ng ating baboy  to about 14 million heads; ngayon nasa 7.5 million heads lang ang baboy na estimate natin. So, iyon,” ani Laurel.

Sa huli, wala namang nakikitang pagtaas sa presyo ng karneng baboy sa mga merkado si Laurel sa kabila ng pagkalat ng ASF.

Pero, posible raw’ng tumaas ang demand ng karneng baboy habang papalapit ang holidays.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble