DA, target na magkaroon ng regular ‘Kadiwa stores’ sa buong bansa

DA, target na magkaroon ng regular ‘Kadiwa stores’ sa buong bansa

TULUY-tuloy ang pagbubukas ng Kadiwa stores sa iba’t ibang bahagi ng bansa na naghahatid ng abot-kayang presyo ng mga bilihin at higit ding nakatutulong sa maliliit na negosyante.

Kasalukuyang mayroon nang Kadiwa stalls sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Pero ayon sa Department of Agriculture (DA), palalakasin pa ng pamahalaan ang Kadiwa project gaya ng nais ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Kristine Evangelista, hindi lamang event ang mangyayari o weekend market itatampok ang Kadiwa stores.

Bagkus, target din ng DA na gawin ang Kadiwa na regular store sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Regular store, iyon po ang ating tinitingnan. Pero nationwide, all regions po ay mayroon po tayong kinu-conduct na Kadiwa po. Sa rehiyon po ng Region XI, mayroon po tayong “Kadiwa ng Pasko” sa Monkayo, sa Panabo, sa Mati, sa Davao City, magkakaroon din po tayo sa Tagum, sa Digos. So, this is going to be a nationwide program,” pahayag ni Evangelista.

Sa update ng DA, may kabuuang 256 areas na para sa Kadiwa habang mahigit 15 sites ang nakatalaga para sa “Kadiwa ng Pasko.”

“Now iyong sa Kadiwa naman po, mayroon po tayong 44 areas dito sa NCR, at mayroon din po tayo sa iba’t ibang mga rehiyon, so umaabot na po tayo sa mga 256 areas for Kadiwa. Iyong ibang mga Kadiwa po natin ay kinu-convert na rin natin sa “Kadiwa ng Pasko” para makasama din po natin iyong mga ibang ahensiya ng pamahalaan,” ayon kay Evangelista.

Ang “Kadiwa ng Pasko” ay partnership sa iba’t ibang mga ahensiya, na inisyatibo ng Office of the President.

Una nang inihayag ni Pangulong Marcos na gagawin ng pamahalaan na national program ang nasabing proyekto.

Magkakatuwang dito ang mga local government unit at ang Office of the President.

Ito’y upang kahit pagkatapos ng Pasko at New Year ay magpapatuloy pa rin ang implementasyon ng proyekto.

“Kaya’t nakita ng ibang LGU na maganda naman ang naging patakbo kayat ang ibang LGU gumawa rin ng Kadiwa. Naisip namin dapat siguro gawin na nating national program dahil lahat naman sa buong Pilipinas ay nangangailangan,” pahayag ni Pangulong Marcos.

Sinabi pa ni Pangulong Marcos na nais niyang ipagpatuloy itong Kadiwa stores hanggang Pebrero o Marso sa susunod na taon.

Ibinahagi naman ni Evangelista ang paghahandang gagawin ng DA sa planong ito.

“Nabanggit po iyan ng ating mahal na Presidente at kami naman po ay natutuwa dahil ang mga LGUs po ay very much involved sa ating implementation ng Kadiwa ngayon, at sila po ay tumutulong po sila na maghanap ng mga lugar kung saan mabuting gawin ang Kadiwa base po doon sa mga number ng mga consumers doon sa lugar na iyon at sa mga pangangailangan po ng consumers,” ani Evangelista.

Aniya, nakita ni Pangulong Marcos na malaki ang kaibahan ng presyo ng mga produktong ibinibenta sa Kadiwa kumpara doon sa mga binibenta sa ibang mga lugar.

Patuloy ang pagtukoy ng pamahalaan sa maraming lugar kung saan magbubukas pa ng Kadiwa stores para mas makatulong sa mga consumer, magsasaka at mga negosyante.

Follow SMNI News on Twitter