DA, target simulan ang pagpapatupad sa biofertilizer program sa Oktubre   

DA, target simulan ang pagpapatupad sa biofertilizer program sa Oktubre  

TARGET ngayon ng Department of Agriculture (DA) na masimulan ang full implementation ng pagbibigay ng biofertilizer sa mga magsasaka na mas makatitipid kaysa sa paggamit ng synthetic fertilizer o urea.

Nanindigan ang DA na napapanahon na ang paggamit ng mga magsasaka ng biofertilizer para sa kanilang sakahan.

Ito ang binigyang-diin ni DA Usec. Leocadio Sebastian sa Laging Handa public briefing.

Ayon kay Sebastian, target nilang simulan sa buwan ng Oktubre o Nobyembre ang full implementation ng biofertilizer program sa buong bansa.

Mas maganda aniya ang performance ng biofertilizer tuwing tag-araw kung kaya pinaplano ngayong taon ang procurement process.

Sa 2024, bibigyan ang mga magsasaka ng vouchers para bigyan ng pagkakataon na pumili ng fertilizer na gagamitin para sa kani-kanilang mga sakahan.

Buwan ng Abril ay naglabas ang DA Memorandum Order (MO)-32 bilang guidelines sa paggamit ng biofertilizer na makatutulong sa mga magsasaka na mabawasan ang gastos.

Mas makatitipid aniya ang mga magsasaka kapag biofertilizer.

Punto ng DA, lalong maapektuhan ang nakukuhang nutrients ng mga lupa dahil sa lubos na paggamit ng mga synthetic fertilizers.

Kaya naman, isinusulong ang paggamit ng balanced fertilization na layong pagsamahin ang paggamit ng organic, in-organic at biofertilizer.

Sa muli, tiniyak ng DA na hindi magdudulot sa fertilizer fund scam ang panibagong MO na nangyari noong 2004.

Rep. Briones: Ipaubaya sa mga magsasaka ang pagpili ng fertilizer na gagamitin sa sakahan

Para naman kay Rep. Nicanor Briones ng AGAP Party-list, dapat lamang tiyakin ng DA na hindi maagrabyado ang mga magsasaka sa paggamit ng biofertilizer.

Aniya, mas makabubuti pa rin aniya na ipaubaya na lamang sa kanila kung ano ang pipiliing abono na gagamitin.

Pag-angkat ng karneng manok, dapat nang mahinto dahil sa sumusobrang suplay—UBRA

Samantala, iginiit ng United Broiler Raisers Association (UBRA) na dapat nang ihinto ang pag-aangkat ng karneng manok.

Punto ni Atty. Elias Inchiong, presidente ng UBRA sobra-sobrang na ang suplay ng karneng manok.

 “Ang tingin namin sobra-sobra na ang suplay, ano ang gagawin ng gobyerno? Pababayaan na lang kaming mamatay, o hindi kaya let the producers retreat, hayaan na lang natin ‘yung imports, ganon ba yun?” ayon kay Atty. Elias Inchiong, UBRA President.

Kung hindi aniya ito matutugunan, tiyak marami ang malulugi at maraming negosyante ang mawawala.

“It will be worst, it will be worst. Siyempre kapag matagal nang nalulugi,maraming titigil. Ang mangyayari, kapag umatras ang local tapos baka hindi naman madagdagan ang imports at nagmamahal sa international market, ang labas mo parang sibuyas,” dagdag ni Atty. Elias Inchiong.

Base sa monitoring ng DA, naglalaro sa P165 – P200 ang presyo ng karneng manok sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter