INAAKSYUNAN na ng Department of Agriculture (DA) ang itinatapon ngunit magagandang ani ng ilang magsasaka sa Benguet.
Itinapon na lamang nila ito sa isang bakanteng lote.
Sa halaga kasing P2 – P3 kada kilo ay lugi sila sa gastos sa pag deliver ng kanilang mga ani mula sa kanilang farm papunta sa mga bagsakan.
Dahil dito, gumagawa na ng solusyon ang DA upang hindi masayang ang mga inaning gulay ng mga ito.
Ayon kay DA spokesperson Assistant Secretary Kristine Evangelista nagpapadala na sila ng mga truck at nagbibigay rin ng trading capital sa mga magsasaka.
“Meron na po tayong nabigay na trucks sa mga lokal na pamahalaan, ito po yung Kadiwa grant sa Benguet, if I’m not mistaken meron na tayong 10 LGU na binigyan ng truck na para makatulong sa mga magsasaka na kunin ang kanilang mga produkto para mabenta, either madala sa trading post or madala sa Kadiwa para mabenta doon,” saad ni Asec. Kristine Evangelista, Spokesperson, DA.
Maliban diyan sa mga lokal na pamahalaan, binigyan din ng trucks at trading capital ang iba’t ibang kooperatiba ng mga magsasaka.
Hinikayat din ng DA ang mga kooperatiba na bilhin ang mga ani ng mga maliliit na magsasaka bagamat hindi nila miyembro.
Aminado ang DA na ang problemang ito ay may kaugnayan sa logistics at presyo dahilan itinatapon na lamang ang mga gulay dahil sa murang halaga.
Nais ding bumuo ng isang sistema ang DA upang mamonitor ang trucks na ipinamahagi sa mga lokal na pamahalaan at kooperatiba.
Ito ay upang matiyak na nagagamit ang trucks para mabilis na maihatid ng mga magsasaka ang kanilang mga aning gulay.