SA ikalawang pagkakataon ay muling ipinagpaliban ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagdinig sa umano’y ‘state-sponsored’ sugar smuggling sa bansa.
Ito’y matapos ang pag-liban ng mahahalagang resource persons, kabilang si Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban, Jr.
“And reiterating that the findings of this committee will not be based on speculations, but on merits of the evidence that’s presented and not the weakness of the defense. Without the objections on the part of my colleagues, this committee hearing is hereby postponed until further notice,” ayon kay Sen. Francis Tolentino.
Maliban kay Panganiban ay lumiban din sina National Economic and Development Authority (NEDA) Sec. Arsenio Balisacan at DTI Sec. Alfredo Pascual.
Lumiban din si David John Alba, ang dating chief ng Sugar Regulatory Administration.
Pero ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, dumalo sa pagdinig bilang kinatawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. si Panganiban ay nasa Washington D.C. at magbabalik pa sa Mayo 13 mula sa isang misyon.
Si Balicasan naman na nasa Canada at Pascual na nasa Indonesia ay magbabalik sa Mayo 11 ayon kay Bersamin.
Ayon kay Sen. Francis Tolentino, chairman ng Blue Ribbon na nangunguna sa pagdinig, hindi mauumpisahan ang pagdinig kung wala sila.
“Hindi po natin mahahalukay po ang nilalaman nito, kung wala po ‘yung mga nabanggit ko. So, they are vital to the investigation that this committee will be undertaking. Kaya mahihirapan po siguro tayong tumuloy kung wala sila,” dagdag ni Sen. Tolentino.
Dahil dito, tinanong ni Tolentino si Bersamin kung maaari bang padaluhin ang mga nasabing resource persons mula sa Ehekutibo na umabsent.
“Mr Executive Secretary, maipapangako po ba natin na sa suusnod na pagdinig ay dadalo na sila? … The executive secretary your honor will always be at your disposal. Maraming salamat Mr. Secretary,” ani Tolentino.
Nagpapatulong din si Tolentino sa Office of the President na pasiputin si Alba sa pagdinig, inilahad ng senador na nakatanggap siya ng liham mula kay Alba na nagsasabing nasa Australia siya.
“Ito po ba ay matutulungan ninyo kami na si Mr. Alba ay makadalo rin dito sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee? … I don’t see any reason why he will not appear here,” ayon kay Sec. Lucas Bersamin.
Ang pagdinig ng Senado patungkol sa umanoy “state-sponsored” sugar smuggling ay batay sa Senate Resolution 497.
Sa nasabing resolusyon ay pinaiimbestigan sa Blue Ribbon na pinangungunahan ni Senator Tolentino, ang umano’y maanomalyang sugar importation noong Pebrero 9 kung saan 260 na 20 foot sugar containers ang dumating sa bansa mula sa Thailand.
Batay sa nasabing resolusyon, hindi sakop ng Sugar Order Number 6 ang Pebrero 9 order dahil sa Pebrero 24 pa lamang ang umpisa ng alokasyon nito.
At wala rin ang nasabing shipment sa mga nauna pang orders.
Sa pagliban ng mga nabanggit na resource persons ay ikinadismaya ito ni Senator JV Ejercito.
“Siguro kung unang beses na hindi pumunta medyo katanggap-tanggap pa…. Magkakaroon talaga ng duda ang publiko,” ayon kay Sen. JV Ejercito.
Sa huli ay sinabi ni Tolentino na uusad lamang ang pagding kung sisipot na ang mga mahahalagang resource person.