Bilang pakikiisa sa inisyatibo ni Pastor Apollo C. Quiboloy na pangalagaan ang kalikasan upang malabanan ang Climate Change na nagdudulot ng matinding pag-ulan at pagbaha sa ating bansa, isinagawa noong Sabado ang “One Tree, One Nation” simultaneous Nationwide Tree Planting Activity.
Aabot sa anim na raang narra tree seedlings ang naitanim sa sitio Palale, brgy. Nazareth, General Tinio, Nueva Ecija na bahagi ng Sierra Madre mountain range.
Nagmula naman sa iba’t ibang bahagi ng Gitnang Luzon tulad ng Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Bataan at Zambales ang nagsama-sama upang suportahan ang matagal nang adbokasiya ng ating mahal na Pastor na pagmamahal at malasakit sa ating inang kalikasan.
Nakiisa sa nasabing aktibidad si General Tinio Mayor Isidro Tinio Pajarillaga na may parehong adbokasiya ni Pastor Apollo.
Aniya, naging inspirasyon niya si Pastor Apollo C. Quiboloy sa pangangalaga ng kalikasan matapos niyang mabisita sampu ng kanyang mga kasamang alkalde ng ika-apat na distrito ng Nueva Ecija taong 2019 ang Tamayong Prayer Mountain at ang Glory Mountain.
Dagdag pa ng alkalde na isang dakilang gawain ang pangangalaga ng kalikasan partikular na ang pagtatanim ng puno sa mga kabundukang unti-unting nakakalbo dulot ng iligal na pagto-troso at iba pang gawain.
Sa pamamagitan ng mga gawaing gaya ng inisyatibo ni Pastor Apollo C. Quiboloy, tiyak na mas gaganda ang ating kalikasan at pakikinabangan ito ng mga susunod pang henerasyon.