DAAN-daang volunteers mula sa iba’t ibang sektor ang nakiisa sa tree planting activity na inorganisa ng Sonshine Media Network International (SMNI), at DZAR 1026 Sonshine Radio, and Sonshine Philippines Movement sa Cuenca, Batangas.
Nagdudulot ng malubhang banta sa mundo ang global warming at climate change.
Napakalinaw na kasalukuyang nararanasan ng sanlibutan ang epekto nito tulad na lamang ng malawakang pagbaha at matinding pagbabago sa panahon.
Dahil dito, tuluy-tuloy ang pagsisikap ng SMNI na protektahan ang ating kapaligiran bilang bahagi ng kanilang pangako sa tunay na serbisyo publiko.
Nitong Sabado ng umuga ay pinangunahan ng SMNI ang isang tree planting activity upang tulungan at palakasin ang kapaligiran katuwang ang DZAR 1026 Sonshine Radio at Sonshine Philippines Movement sa Brgy. Poblacion 7, Cuenca, Batangas.
Nakiisa sa nasabing aktibidad ang daan-daang boluntaryo mula sa iba’t ibang sektor kabilang ang mga ahensiya ng gobyerno, non-government organizations, youth sector, business sector, local government unit at men in uniform.
Daan-daang mga seedlings ng Narra at Molave ang itinanim.
Ang mga kalalakihan at kababaihan mula sa Philippine Air Force (PAF), Philippine Army (PA) 59th Infantry “Protector” Battalion, 31st Air Force Group Reserve, Cuenca Municipal Police Station, at BFP Cuenca ay nakiisa rin sa malawakang pagtatanim ng mga puno kung saan binigyang diin nila na kanila ring responsibilidad ang pangalagaan ang kapaligiran.
“Kami po ay nagpapasalamat sa inyong program ng SMNI na mayroong ganito sapagkat kami ay napasali ninyo para makita rin ng taumbayan na hindi lang sa larangan lang ng pakikidigma ang ginagawa ng mga kasundaluhan kundi ang ganitong mga aktibidades ay kasama tayo para sa kaunlaran ng ating nasasakupan,” saad ni LTC Ernesto Teneza Jr., Battalion Commander, 59th Infantry Battalion.
“Ang Philippine Air Force po, lalong lalo na ang ATDCI ay sumusuporta sa ganitong mga proyektong pangkalilasan. Pagpepreserve po ng ating environment,” ani Capt. Rowell Mauhay, Philippine Air Force.
“Ito po ay napakahalaga bilang tayo ay nangangalaga ng kalikasan. Isa ho tayo sa nagpapatupad ng batas tungkol sa kalikasan. Ito ay napakahalaga na kung saan maiiwanan natin ang mga kabataan, sila po ang makikinabang sa bagay na ito,” ayon naman kay PMAJ Ernie Delos Santos, Cuenca Municipal Police Station.
“Magandang activities ay inyong ginagawa. At kami ay nagpapasalamat kasama ang Bureau of Fire Protection kasama ang aking mga tauhan kasi ang activities na ito ay talagang nakakabuti sa ating kalikasan,” pahayag ni SINSP Noel Leyesa, Municipal Fire Marshal, Cuenca, Batangas.
“Sa isang advocacy hindi lang dapat gobyerno, hindi lang dapat CESO kundi mismo ang community at members ng community ang nagtulong-tulong. Hindi po kasi pwedeng ipangalaga na lang natin ng basta sa government lang o sa isang parte lamang. Kumbaga ito ay pagtutulungan ng iba’t ibang sector,” ani LTC Don Ayer Abrazaldo, Group Commander, 31st Air Force Group Reserve.
Nakilahok din ang mga pribadong sektor at mga kompanya sa tree planting activity kung saan kanilang binigyang-diin na bukod sa pagbibigay proteksyon sa kapaligiran, may pakinabang din ang aktibidad sa buhay ng tao.
“Ang ating Inang Kalikasan ay nanghihina na. Marami sa mga magnenegosyo na nagfofocus sila sa pagkita ng pera, pagkadagdag ng basura pero kakaunting tao na lang yung nag-iinitiate ng ganitong klaseng activity na nagfofocus sa pagtulong na makarecover ang ating mother earth. And that’s were very happy na pinaunlakan tayo ng SMNI na maging isa sa mga major sponsors,” ayon naman kay Krystine Hernandez, Founder and CEO, Perfected Cosmetics & Skincare.
“Para po matulungan rin po natin ang ating kalikasan at para maiwasan din po tayo sa ganitong mga trahedya na magkaroon po ng baha. At least matutulungan po natin ang ating mga paligid po dito,” para kay Tes Esquilona, Sutla Glowcal Manufacturing.
Nakibahagi rin ang mga kabataan sa pangunguna ng Keepers Club International sa tree planting activity na isinagawa ng SMNI.
Nagpapasalamat sila sa KCI Founding President, Pastor Apollo C. Quiboloy, sa pagtuturo sa kanila na magkaroon ng pagmamahal sa kapaligiran at makibahagi sa paglutas ng mga problema sa climate change.
“Patuloy tayong nagpapasalamat sa ating Chairman and Founder ng Keeper’s Club International, Pastor Apollo C. Quiboloy sa privilege na isa po kami sa nakapagparticipate dito sa ating ginawa na tree planting sa Cuenca, Batangas. At we are thankful at privilege kasi bilang mga kabataan, tinuturuan ng ating mahal na Pastor na talagang mag-involve sa mga environmental activities. Ito talaga yung pinakaturo ng ating mahal na Pastor,” saad ni Earl Joshua Bencio, In-Charge, Keepers Club International – Batangas Chapter.
Samantala, lubos ang pasasalamat ng Pamahalaang Bayan ng Cuenca kay Pastor Apollo at SMNI sa pagsasagawa ng tree planting activity sa kanilang bayan.
Lubos siyang pinagpala nang malaman na may malaking puso ang butihing Pastor sa pangangalaga sa kapaligiran.
“Pastor Quiboloy, maraming salamat po sa inyo. Hindi po biro ang itong ginawa ninyo na tree planting activity dito sa aming bayan. Nagpapasalamat po kami. Alam ko pong mahal na mahal ninyo ang kapaligiran, ang environment. Isa po kayong sugo o isa pong kinatawan ng ating Panginoon,” pahayag ni Mayor Alex Magpantay, Cuenca, Batangas.