MAGBUBUKAS ng daan-daang trabaho sa tourism sector ang isasagawang “Trabaho, Turismo, Asenso! National Tourism Jobs Fair” ng Department of Tourism (DOT) at Department of Labor Employment (DOLE).
Ito ay upang masuportahan ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa at mailapit pa lalo sa mga job seekers ang mga oportunidad upang makapagtrabaho.
Layon nitong palakasin ang employment ng tourism industry sa Pilipinas
Ngayong araw, pormal na nilagdaan ng dalawang ahensya ang isang memorandum of understanding para gawing pormal ang pagtutulungan.
Idaraos ang nasabing job fair mula Setyembre 22-24 sa ilang bahagi ng bansa tulad ng Metro Manila, Cebu, Davao at iba pa.
Napag-alaman ng DOT na maraming hotel establishments at restaurants sa bansa ang nangangailangan ng karagdagang manpower.
Batay sa survey ng DOT, nasa 1,186 ang regular vacancies sa 279 establisimyento sa buong bansa.
Nasa 250 naman ang kabuuang bilang ng part time vacancies.
Pero sa datos ng DOLE, higit 12,000 ang nawalan ng trabaho mula Enero-Hunyo ng taong kasalukuyan.
Maaring makakuha ng trabaho sa nasabing job fair ang mga bagong graduate, TESDA scholars at mga nawalan ng trabaho dulot ng COVID-19 pandemic.