Dabawenyos, nanawagan ng hustisya para kay dating Pangulong Duterte

Dabawenyos, nanawagan ng hustisya para kay dating Pangulong Duterte

SA isang candlelight vigil sa Rizal Park, nagtipon ang mga dabawenyo upang ipakita ang kanilang suporta at ipanawagan ang hustisya para sa dating pangulo ng bansa.

Sa pangunguna ng Sangguniang Panlungsod ng Davao, daan-daang residente, kawani ng gobyerno, at iba’t ibang grupo ang nagtipon upang ipahayag ang kanilang mariing pagtutol sa ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Bitbit ang kandila at taimtim na pananalangin, ipinahayag rin nila ang kanilang paniniwalang hindi makatarungan ang sinapit ng dating pangulo.

Ayon kay Davao City Councilor Tek Ocampo, hindi nararapat ang ganitong pagtrato kay Duterte, lalo na’t malaki ang naging kontribusyon nito sa bansa, partikular sa kampanya laban sa kriminalidad at iligal na droga.;

“Napakalungkot at may halong inis, galit, mixed emotions. Hindi na sila naawa kay Tatay Digong. Talagang ginawa nila ang gusto nilang gawin just to erase Tatay Digong out of the equation,” ayon kay 1 Councilor Tek Ocampo, 1st District, Davao City.

Dagdag pa ni Ocampo, malinaw na desperado ang kasalukuyang administrasyon upang tuluyang alisin ang dating pangulo sa pulitika.

“Napakasinungaling ng ating kasalukuyang administrasyon. Sabi nila hindi sila susuporta at hindi makikipagtulungan sa ICC, pero ‘lip service’ lang pala. Ang totoo, gusto talaga nilang ipakulong si Duterte,” saad ni Ocampo.

Sa kabila ng emosyon, nanawagan ang konseho ng Davao City ng katahimikan at pananalig sa proseso ng batas.

“Alam kong marami sa ating mga kababayan ay nagagalit, pero huwag tayong gumawa ng hakbang na magpapasimula ng gulo. Manatili tayong mahinahon at ipagdasal ang ating dating pangulo,” wika nito.

Tiniyak naman ng mga taga-Davao na ipaglalaban nila ang hustisya para kay dating Pangulong Duterte.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter