Dagdag kapulisan, ide-deploy sa Pasay at iba pang COVID-19 hot spots

Dagdag kapulisan, ide-deploy sa Pasay at iba pang COVID-19 hot spots. Nag-deploy ang Philippine National Police (PNP) ng dagdag na hindi bababa sa 180 na kapulisan sa Pasay City upang tumulong na magpatupad ng minimum health standards kasunod ng biglaang pagtaas ng COVID-19 cases sa lungsod.

Ayon kay Interior Undersecretary Jonathan Malaya, ang dagdag na kapulisan ay tutulong sa Pasay Police na magpaalala sa mga residente na parating magsuot ng face masks at face shields pati na ang pagsunod sa physical distancing protocols sa mga pampublikong lugar.

Ayon sa Pasay City epidemiology and surveillance unit, ang lungsod ay mayroong hindi bababa sa 512 active COVID-19 cases.

Sinabi din ng Public Information Office na hanggang March 8, 51 households sa 60 na komunidad ang isinailalim sa localized lockdown habang tinanggal na naman ang lockdown order sa 25 barangay matapos na bumaba ang mga active cases dito.

Bukod sa Pasay, sinabi din ni Malaya na magde-deploy din ang PNP ng dagdag na kapulisan sa Navotas City kung saan mayroong 508 active COVID-19 cases noong Lunes at sa Malabon kung saan tatlong kaso naman ng United Kingdom (UK) variant ang na-detect.

SMNI NEWS