UPANG matulungang tugunan ang mga gastusing medikal at iba pa ng mga beteranong sundalo, isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang panukalang batas na magtataas ng 350 hanggang 488 porsiyento sa kanilang buwanang disability pension.
“Sa sobrang taas na ng mga gastusin sa ngayon, hindi na makabuluhan ang kakarampot nilang pensiyon na halos tatlong dekada na ang nakalipas nang huli itong nadagdagan. Ano mararating ng pensiyon na halagang P1,100 hanggang P1,700 sa panahon ngayon?” pahayag ni Sen. Jinggoy Estrada, chairperson, Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation.
Sa kanyang Senate Bill No. 683, nais ng batikang mambabatas na isaayos ang disability pension ng mga retiradong sundalo at ng kanilang mga benepisyaryo dahil ang kasalukuyang halaga nito ay hindi na naaayon sa pangkasalukuyan at wala na halos halaga bunsod ng tumataas na pang-araw-araw na gastusin.
“Layunin ng panukalang ito na suportahan ang ating mga beterano sa pamamagitan ng pagtaas ng pensiyon para sa kapansanan upang matustusan nila ang mga gastusin sa medikal, ospital at iba pa at masakop na rin ang mga epekto sa ekonomiya at panlipunan ng pandemyang COVID-19, pati na ang pagtaas ng mga presyo ng langis, pagkain at iba pang consumer goods,” ani Jinggoy.
Sa ilalim ng umiiral na mga probisyon ng RA 6948, o ang tinatawag na Act Standardizing and Upgrading the Benefits for Military Veterans and their Dependents, ang pension rates para sa mga beterano na may kapansanan dahil sa pagkakasakit, pagkakasugat o pagkakaroon ng pinsalang natamo sa serbisyo ay binibigyan ng buwanang disability pension na mula P1,000 hanggang P1,700.
Iminumungkahi ni Estrada na ang kasalukuyang base rate na P1,000 sa mga eligible na beterano ay itaas sa P4,500 kada buwan habang ang iba pang prescribed rates ay i-rationalize upang magbigay ng disability pension na aabot sa P10,000 kada buwan.