INIHAIN na ang karagdagang mga kaso kontra sa mga pulis at non-commissioned officers na sangkot sa umano’y maanomalyang anti-illegal drugs operations sa Manila noong 2022 kung saan nasabat ang nasa 990 kilos ng shabu.
Hindi nga lang idinetalye ng Department of Justice (DOJ) kung ano ang partikular na isinampa na karagdagang mga kaso.
Nakasaad lang sa pahayag ng DOJ na maingat na pinag-aaralan ang mga ebidensiya na isinumite bilang patunay kaugnay rito.
Kung matatapos na aniya ang evaluation sa mga ebidensiya ay agaran na magsasagawa ang DOJ ng preliminary investigation.
Buwan ng Hulyo ngayong taon nang isiwalat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos, Jr. na kasama sa mga sinampahan ng kaso ang ilang opisyal ng Philippine National Police gaya nina Police Lieutenant General Benjamin Santos Jr., Brigadier General Narciso Domingo, Colonel Julian Olonan, Lieutenant Colonel Arnulfo Ibanez, Lieutenant Colonel Glen Gonzales, Major Michael Salmingo, at Lieutenant Jonathan Sosongco.
Maging sina Lieutenant Colonel Dhefrey Punzalan, Lieutenant Jefrrey Padilla, Lieutenant Randolph Pinon, Lieutenant Silverio Bulleser II, Lieutenant Ashrap Amerol, at Police Master Sergeant Rodolfo Mayo Jr. na naaresto matapos kinilala bilang may-ari ng nasabat na 990 kilos ng shabu.
Kasama rin sa mga kinasuhan ang 38 non-commissioned officers.
Akusado ang mga nabanggit sa paglabag ng Republic Act 3019 o The Anti-Graft and Corrupt Practices; Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2022; Falsification; Perjury; False Testimony; Malversation of Public Property under the Revised Penal Code; at Obstruction of Justice under Presidential Decree 1829.