Dagdag na pondo para sa Barangay Development Program, inaasahan ng NTF-ELCAC sa susunod na admin

Dagdag na pondo para sa Barangay Development Program, inaasahan ng NTF-ELCAC sa susunod na admin

UMAASA ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na madadagdagan na ang pondo para sa Barangay Development Program (BDP) sa susunod na taon.

Ito ang sinabi ni NTF-ELCAC Barangay Development Program Director Monico Batle sa panayam ng SMNI News sa programang Laban Kasama ang Bayan.

Matatandaan na mula sa panukalang P28.1 bilyong budget ng NTF-ELCAC ay tanging P17.1 bilyon ang inaprubahan ng Kongreso.

Malaki ang paniniwala ni Batle na mababago na ito dahil una nang nagpahayag si President-elect Bongbong Marcos noon pang panahon ng kampanya na susuportahan nito ang mga programa ng NTF-ELCAC na kinabibilangan ng BDP.

“Kitang kita naman na sinabi na rin ng ating President-elect BBM na susuportahan niya, i-enhance niya ang NTF-ELCAC. Before the campaign sinabi ni Pres. BBM na i-eenhance niya iyan, so sabi ko nga baka hindi lang 20M yung ibigay niya kapag nakita niya itong mga ipinapakita nating pics, so dyan natin makikita kung successful ba o hindi yung BDP,” pahayag ni Batle.

Maliban dito, nakikita rin ni Batle na malaki ang tsansang maibabalik ang natapyas na pondo ng NTF-ELCAC dahil tiyak na susuportahan ito ng mga nanalong senador sa nagdaang halalan.

“Napakaganda dahil nakita naman natin na ‘yung mga senador na nanalo ngayon, lahat sila in favor sila sa NTF-ELCAC, so ibig sabihin yung 1,406 barangays na binawasan ng 16M, baka maibalik yung 16M na iyon,” ani Batle.

Ibinahagi rin ni Batle na nakapagsumite na ang NTF-ELCAC ng kanilang 2023 proposed budget sa Department of Budget and Management (DBM).

“Maganda yung mangyayari na ito, as long as maaprubahan ng ating mga mambabatas yung requested budget natin for BDP for 2023, ibig sabihin maco-cover na natin, lahat ng mga brgys na dating kuta na dating pugaran ng mga NPA ay mabibigyan na ng development program, halos lahat, in fact lahat pati yung mga threatened brgys, basta maapprove lang yung budget natin for fiscal natin for 2023,” ani Batle.

“Naisama na ng Dept of Budget and Management sa National Expenditure Program for Fiscal Year 2023. So ibig sabihin kapag inaprubahan iyan sa Congress, inaprubahan sa Senate, tapos bicameral, tapos pinirmahan ng presidente by 31 December this year, malamang matanggap agad ng mga beneficiary brgys yung kanilang budget for development projects for fiscal 2023,” dagdag ni Batle.

Kabilang sa mga programa ng NTF-ELCAC sa ilalim ng Barangay Development Program ay ang mga farm to market roads sa mga malalayong lugar na madalas na nakararanas ng panghaharas mula sa rebeldeng CPP-NPA-NDF.

Kasama na rin dito ang pagtatayo ng mga silid-aralan, water and sanitation systems, livelihood programs, mga health station at iba pang programa na itinuturing na magpapagaling sa karamdamang idinulot ng 53 taong insurhensiyang dulot ng CPP-NPA sa bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter