Dagdag-singil ng Manila Water at Maynilad, bumulaga sa mga konsyumer kasabay ng pagpasok ng Bagong Taon

Dagdag-singil ng Manila Water at Maynilad, bumulaga sa mga konsyumer kasabay ng pagpasok ng Bagong Taon

ANG pagsalubong sa Bagong Taon ay isa sa mga pinakamasiglang tradisyon ‘di lang ng mga Pilipino kundi sa buong mundo.

Dito nga sa Pilipinas—kita at dinig sa bawat sulok ang sigla at saya ng mga Pilipinong nagdiriwang sa pag-asa na may panibagong mga pagpapala ang naghihintay sa kanila sa pagpasok ng panibagong taon.

Pero, kung sa tingin mo ay makakahinga ka na sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin—nagkakamali ka.

Sino nga ba ang sasaya kung ang bubulaga sa’yo sa pagpasok ng Bagong Taon ay ang panibagong taas-singil sa tubig ng mga konsesyonaryo.

Sumabay kasi sa unang araw ng 2025 0 Enero 1 ang panibagong rate adjustments ng Manila Water at Maynilad sa water bill ng kanilang mga customer.

Kung customer ka ng Maynilad ay P7.32 per cubic meter ang average na dagdag-singil habang P5.95 naman sa Manila Water.

P25 hanggang P112 ang dagdag sa bill ng mga customer ng Manila Water kung ikaw ay kumukonsumo ng 10 cubic meter hanggang 30 cubic meters.

Habang P20 hanggang P155 naman sa mga customer ng Maynilad na may kaparehong kinukonsumo.

Sa taas nga anila ng bayarin at mahal ng bilihin ay kakaunti lang ang naihanda na pang-Media Noche ni Albert Tugonon para sa kaniyang pamilya.

Paano na lang aniya ito na pati bayarin sa tubig ngayong taon ay nagtaas na rin—higit P2,000 pa naman ang bill nila kada buwan.

“May pinapaaral pa na anak mahirap din ‘yung sobrang mahal, kagaya ko na senior na ako wala na akong trabaho,” ayon kay Albert Tugonon, Customer.

Si Nanay Angelina Supyaga nga ay higit P1,000 ang bill sa tubig kada buwan kahit kakaunti lang silang mag-anak.

Wala na rin gaanong laman ang kaniyang tindahan na pangunahing pinagkukuhanan nito ng kita kada araw.

Wala na aniya siyang magawa sa naging desisyon ng mga konsesyonaryo na magdagdag singil sa tubig.

“Mahirap talaga, dahil single mother na po ako. Lalo tong tindahan ko wala nang kinikita, walang bumibili,” wika ni Angelina Supyaga, Customer.

Paliwanag ng mga konsesyonaryo—ang dagdag-singil nila ay dahil sa mataas na capital expenditure. Ito ‘yung kanilang nagagastos sa mga proyekto para anila mapaganda ang serbisyo.

“Isipin din natin na gaano kahalaga ‘yung tubig para doon sa ating daily lives. Hindi lamang sa mga residential, mahalaga ‘yung tubig para sa komersyo at para sa industriya at ‘yung paniniguro na mayroon tayong suplay,” wika ni Jeric Sevilla, Director, Communications Corporate Group, Manila Water.

Kaya, paalala sa mga customer, taon-taon nang tataas ang singil sa tubig hanggang sa 2027.

Dahil inutay-utay anila nila ang dapat sanang malakihang adjustments noong 2023.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble