WALANG duda na tuloy-tuloy ang paglago at paglawak ng Lungsod ng Dagupan.
Ito ang pahayag ni Mayor Belen T. Fernandez sa kaniyang talumpati sa isinagawang State of the City Address kahapon, March 18, 2025.
Isa sa mga patunay nito ay ang pagkamit ng Dagupan City sa pang-siyam na pwesto mula sa 116 na local government units (LGUs) sa Most Improved LGUs in the Philippines.
Maliban dito, pang-labing dalawa ang lungsod sa overall government efficiency noong 2024.
Dagdag ng mayora, bahagyang tumaas ang kita ng lungsod mula 2022 hanggang 2024, at pagdating sa overall gross annual collections ay malaki ang itinaas nito sa parehong panahon.
Patuloy rin umano ang pagdami ng mga namumuhunan at negosyo sa lungsod dahil sa napanumbalik na tiwala at kredibilidad ng mga mamumuhunan sa pamamagitan ng Investments and Promotions Board.