HINDI nakapagpigil si Senador Cynthia Villar na ihayag ang kanyang galit sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) dahil sa patuloy na reclamation projects sa Manila Bay.
Sa pagdinig ng 2023 budget ng DENR araw ng Martes, tinanong ni Sen. Nancy Binay ang estado ng Manila Bay Dolomite Beach at ang reclamation area sa Manila Bay.
“Parang si President Duterte I think it was 2019 or 2020 he said there is moratorium on the reclamation sa may Manila Bay but kasi sa may office ko ang view ko ay ‘yung Manila Bay and everyday parang may nakikita ho akong barko doon na naghuhulog ng buhangin and I was just in the office of our Senate President, doon po sa view niya may area na may island na,” pahayag ng senadora.
Ayon kay DENR Usec. Atty. Jonas Leones, tapos na ang proyekto sa dolomite beach kung kaya’t wala nang gagawin.
Ngunit kaugnay naman sa reclamation project, sinabi ni DENR Secretary Maria Antonia Loyzaga na mayroong 21 proyekto ang nabigyan ng environmental compliance certificate (ECC) na gagamitin para sa reclamation mula Cavite hanggang Navotas.
“It appears po that the moratorium was not in effect when these ECCs were actually granted,” pahayag ni Loyzaga.
Dito uminit ang ulo ni Villar at napamura pa nang napag-usapan ang reclamation project at ECC sa Cavite.
Tinanong niya si DENR Director for Environmental Management Bureau Engr. William Cuñado sa mga partikular na lugar sa Coastal Road sa Cavite na may ECC na.
“Saan ang Cavitex? Ang laki ng Cavitex. Cavitex starts Parañaque, umikot ‘yun papuntang Cavite. So saan to? Ako wag nyong gagawin sa akin yan. *** niyo. Dumating ka dito galing ka sa Cebu, ginulo mo kaming lahat,” ayon pa ni Villar.
Inilahad din ni Villar na ang hearing ng DENR noon para sa mga reclamation projects ay itinago pa sa kanya upang hindi siya makadalo sa pagdinig.
Tutol ang senadora sa reclamation dahil una nang ipinayo sa kanya ng noo’y DPWH Secretary Rogelio Singson na sing taas ng tatlong palapag na baha ang aabutin ng Las Piñas dahil sa kawalan ng labasan ang tubig.
“Kaya sinabi ni Sec. Babes Singson ‘yan, ‘yung Bacoor-Imus, yung Cavitex lang hindi nila ginawang aqueduct eh dapat poste yan para water will come out in Manila Bay. Tinambakan nila. Thay have to construct P9.5 Billion water retarding facility sa Bacoor and Imus na hindi nga binayaran ng government, inutang sa JICA. 45 hectares. And ngayon sinabi sa akin ni Mayor Revilla hindi na solved, hindi na solved ang flooding. P9.5 Billion water retarding facility. What is the logic tatambakan mo ang bay, tapos gagawa ka ng bay sa land and spend P9.5 billion there? I cannot find the logic there,” ani Villar.
Sa huili ay nangako naman ang kalihim ng DENR na kanilang rerepasuhin ang polisiya sa reclamation projects.