NAITALA ng World Health Organization (WHO) ang 74 na kaso ng malubha at kakaibang hepatitis na pamamaga ng atay sa mga bata sa United Kingdom at Estados Unidos.
Hanggang ngayon, hinahanapan pa rin ng mga opisyal ng pampublikong kalusugan kung paano nila ito nakuha.
Ang mga opisyal ng pangkalusugan sa Alabama ay naglabas ng isang hiwalay na imbestigasyon sa mga kaso ng hepatitis sa mga bata na natagpuan din kamakailan sa UK at hinahanapan pa rin ng karampatang paliwanag.
Sinabi ng WHO sa isang pahayag na hindi nito kasama ang regular na Hepatitis virus na A, B, C, D at E bilang sanhi ng sakit sa atay na naitala sa mga kaso sa UK habang dito naman sa Amerika, iba rin ito sa pinakakaraniwang sanhi ng viral hepatitis na A, B at C.
Binanggit din nila na ang virus na nagdudulot ng COVID-19 o adenovirus ay nakita sa ilang mga kaso nito.
Una nang natukoy ng WHO ang 10 kaso ng sakit sa mga dating malulusog na bata sa pagitan ng edad na labing-isang buwan at limang taong gulang sa Central Scotland ngunit pagkatapos ng karagdagang pagsisiyasat, natukoy nila na may kabuuang 74 na kaso na ang nagtala ng sakit, kabilang ang orihinal na sampu.
Ang Kagawaran ng Pampublikong Kalusugan ng Alabama ay may katulad na naitala sa 9 na bata, mula isa hanggang anim na taong gulang, na may hepatitis.
Lahat ng mga batang iyon ay positibo rin para sa adenovirus, at dalawa ang nangangailangan ng liver transplant.
Sinabi ng departamento na wala sa mga bata ang may sakit noon o underlying health conditions.
Nagbabala ang WHO na marami pang kaso ang matutukoy sa mga susunod na araw at ginagawa nila ang lahat upang magawa ang mga kaukulang kontrol at mga hakbang upang maiwasan ito.