PANAWAGAN ni Appropriations Chairman Zaldy Co na madaliin ang pagpapatupad ng mga programa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Punto ni Co na noong 2021, 48% lamang ng Support for Barangay Development Program (SBDP) projects ang nakumpleto ng task force.
Paliwanag dito ni Director Monico Batle, na siyang BDP Action Officer ng NTF-ELCAC, sumusunod lamang sila sa procurement law kaya may delay sa implementasyon ng mga proyekto.
Kabilang dito ang requirement ng bidding at feasibility study bago magsimula ang proyekto.
“So, meron tayong sinusunod na batas lalong-lalo na kapag ginagamit mo ‘yung pondo ng gobyerno. Isipin natin, ingat na ingat nga ‘yung ating mga implementing LGUs sa paggastos kasi nga meron tayong sinusunod na batas eh. So, hindi rin totoo na mabagal yung disbursement rate natin,” pahayag ni Batle.
Sa 2021, ang BPD projects ng Region 11% ang may pinakamababang completion rate sa 39.37%.
Habang 100% nang tapos ang lahat ng BDP projects sa Region 1.
Nasa 822 barangays ang sakop ng BDP na binuhusan ng mahigit dalawang libo na iba’t ibang proyekto at kalahati dito ay tapos na ang implementasyon.
“At isipin din natin na during the past two years, nagkaroon tayo ng problema. Nagkaroon tayo ng pandemic, nahinto ‘yung paggawa ng mga projects. Siyempre may mga limitations tayo pati yung mga contractors,” ayon kay Batle.
Pinagpapaliwanag naman ng Kamara ang NTF-ELCAC kung bakit 2% pa lamang sa mga proyekto ang natatapos o ginagawa ngayong taon gayong malapit nang matapos ang 2022.
“The situation is even worse in 2022. Based on reports received by my office, only two percent of NTF-ELCAC’s 2022 projects have been completed or ongoing. A whopping 98 percent of the projects are still under the pre-procurement or procurement stage, and it’s already December,” ayon kay Co.
Paliwanag ni Batle, naapektuhan ng spending ban sa eleksyon ang proyekto ng mahigit 1,000 BDP barangay beneficiaries kaya may delay ang implementasyon.
“Dahil nga po eleksyon, ang pondo po ng 1,406 barangays ay binigay o natanggap nila after ng eleksyon. May mga barangays po, may mga munisipyo ang nag-i-implement ng project ngayon mga municipal and city mayors. Last year po mga provincial governor. So, ang pondo po ay nilabas ng DBM, yung mga SARO yung kanilang mga NADAI nailabas lamang after noong ban sa release ng pondo,” ani Batle.
Ipinaliwanag din ni Batle kung bakit may 2% BDP projects lamang ang nagawa ngayong taon.
“2% pa lang po ‘yung nakakatapos, malamang ito po yung mga livelihood projects na hindi mo na kailangan ng program of work, hindi mo na kailangan engineering design,” aniya.
“2 years po ang grace period para ma-implement nila yung project. So, again halos lahat ng mga barangays na recipient ng ating Barangay Development Program for this year katatanggap lang po nila ng NADAI, ng pondo,” dagdag ni Batle.
Ngayong taon, P20 million per barangay ang request ng NTF-ELCAC na budget subalit P4 million per barangay lamang ang inaprubahan ng Kongreso.
At ngayong si Presidential Son at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos ang nagsusulong na maibalik sa P10-billion ang NTF-ELCAC budget, full transparency naman ang tiniyak dito ng task force.
“Ang nakukulangan lang narinig ko ay ‘yung monitoring and reporting of the program. In terms of expenditures and saan pupunta ‘yung pera. So, I hope that ngayon na na-restore ang P5-B. We can get assurances from the NTF-ELCAC program na mas maganda ang kanilang pagtakbo in terms of monitoring and reporting of the financial operations of the program which I’m sure na gagawin naman nila,” pahayag ni Cong. Marcos.
“Meron tayong web page. ‘Yung NTF-ELCAC.org.bdp. Pag na-access mo ‘yun, makikita mo kung saan yung projects at kung anong region at kung anong probinsiya, anong municipality, anong barangay, anong mga proyekto ang nandun, magkano ang natanggap, tsaka ang status ng project. So, wala tayong problema kahit sino, namo-monitor yan. I-access lang nila, hindi ‘yan sekreto, hindi yan confidential, open ‘yan kahit kanino,” ayon kay Batle.