SA panayam sa media, isiniwalat ni Agriculture Secretary Laurel, na hindi siya kontento sa performance o trabaho ng dalawang mataas na opisyal ng ahensiya.
Hindi aniya kasi nila nagagampanan nang maayos ang kanilang mga obligasyon o tungkulin sa trabaho na makatutulong upang matugunan ang hamon sa sektor ng agrikultura.
Pagbibigay-diin pa ni Laurel, sa lahat ng mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) ay bukod-tangi ang mga ito na bigong maabot ang kaniyang ‘expectation’.
“Ang pinaka-ayaw kong mangyari is—ikaw Use. kita tapos patapos na ‘yung taon may mga ibang kailangang kang tapusin and you needed my interventions inspite of my busy, busy schedule I have to stop other things para tutukan ko at para mapa-approve o mapa-pirmahan lahat ng kailangang mapirmahan. Bakit last minute?” pahayag ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture (DA).
Ani Sec. Tiu, nakausap na niya ang dalawang mataas na opisyal na hindi na niya pinangalanan pa.
Bibigyan aniya nito ng anim na buwang ultimatum hanggang sa susunod na taon para ayusin ang kanilang mga trabaho.
Pero oras na mabigo ang mga ito na iangat ang kalidad ng kanilang pagganap sa kanilang mga tungkulin ay hindi na aniya siya magdadalawang-isip na sibakin ang mga ito sa puwesto.