Dalawang NPA, sumuko sa tropa ng militar sa Sultan Kudarat

SUMUKO ang dalawang miyembro ng komunistang grupong New People’s Army (NPA) sa tropa ng 38th Infantry Battalion (IB) sa Palimbang, Sultan Kudarat kahapon.

Kinilala ni 6th Infantry Division, Lt. Col. Anhouvic Atilano ang mga rebelde bilang Ka Ricky at Ka Bogs.

Dahilan ng dalawang miyembro ng NPA kaya sumuko ay dahil napapagod na raw sila sa katatakbo mula sa humahabol na mga militar.

Sinuko ng dalawa ang kanilang mga armas matapos kumbinsihin ng mga dating kasamahan nito na una nang sumuko at tumanggap ng mga benepisyo mula sa programa ng gobyerno.

Sinabi ni Atilano na ang dalawang sumuko na NPA ay kasapi ng Platoon Myphone ng NPA Guerilla Front 73 na may operasyon sa mga probinsiya ng Sultan Kudarat, Sarangani, at South Cotabato.

Kabilang sa isinuko ng dalawa ang M16 rifle at isang 12-gauge shotgun sa Sitio Compaq, Barangay Batang-Bagras.

Sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP), makatatanggap ang mga sumuko na rebelde ng agarang tulong na P15,000 bilang bayad sa armas na isinuko base sa klase nito at P50,000 bilang tulong sa pangkabuhayan.

Pinuri naman ni Maj. Gen. Juvymax Uy, 61D commander and concurrent head ng Joint Task Force Central, ang komunidad ng Palimbang sa suporta nito sa pamahalaan kaugnay sa pangkapayapaan.

Inilista ang grupong NPA kasama ng Communist Party of the Philippines at ng National Democratic Front bilang teroristang organisasyon ng United States, European Union, United Kingdom, Australia, Canada, New Zealand at ng Pilipinas.

SMNI NEWS