Dapat may managot sa pagguho ng bagong P1.2-B tulay sa Isabela—Revilla

Dapat may managot sa pagguho ng bagong P1.2-B tulay sa Isabela—Revilla

NANAWAGAN si Senador Bong Revilla ng agarang pananagutan at pagsisiyasat kaugnay ng pagguho ng bagong P1.2-bilyong tulay sa Isabela. Ayon kay Revilla, mula pa noong Huwebes ng gabi, sinabi niyang “Heads must roll” o may mga tao na dapat managot sa insidente.

“Ipinag-utos na naman ng DPWH ang pagbusisi sa nangyari at dapat agad nilang ilabas ang resulta niyan,” pahayag ni Sen. Bong Revilla.

Inatasan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang mga dahilan sa pagguho ng tulay, ngunit ayon kay Revilla, hindi sapat na manatili lamang sa imbestigasyon. Kailangan din aniyang magsagawa ng mga hakbang upang matiyak na hindi na muling mangyayari ang ganitong insidente.

Sinabi ng senador na ang contractor ng proyekto ay dapat na ma-blacklist at parusahan.

“Dapat ayusin nila ang tulay without any additional cost to the people,”dagdag pa niya.

Dapat rin aniyang panagutin ang DPWH, partikular ang mga in-charge na engineers sa nasabing proyekto, na malapit sa insidenteng ito.

“Hindi dapat nakakalusot sa DPWH ang ganito. Pitong taon binuhusan ng pondo ng bayan, tapos dalawang buwan pa lang giba na,” pahayag ni Revilla.

Ayon sa senador, hindi dapat natatapos ang proyekto na walang tamang kalidad, lalo na kung ang ipinag-uusapan ay mga imprastruktura na ginagamit ng publiko.

Binanggit din ni Revilla ang mga pondo ng bayan na ginugol sa mga proyektong pampubliko, kung saan sinabi niyang,

“Billions of funds are spent on public infrastructure and the minimum requirement should be structural integrity,” aniya.

Hindi aniya dapat natatapos ang proyekto nang basta na lang, at hindi puwedeng tanggapin ang napabayaang trabaho na nagiging sanhi ng pagkasira ng mga mahahalagang imprastruktura.

Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon at inaasahan ng mga mamamayan na matatanggap nila ang mga resulta at hakbang na isasagawa upang matiyak ang pananagutan at maiwasan ang ganitong uri ng insidente sa hinaharap.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter