HINDI maaaring ibenta ng mga magsasakang nabigyan ng titulo ng lupa sa ilalim ng agrarian reform program ang kanilang natanggap na lupa mula sa pamahalaan.
Ito ang muling iginiit ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III, kasabay ng pagtitiyak na magpapatuloy ang pamamahagi ng lupa sa mga karapat-dapat na benepisyaryo. Layon nitong mapabuti ang kanilang kabuhayan at patatagin ang sektor ng agrikultura sa bansa.
Sa isang televised briefing, muling binigyang-diin ni DAR Secretary Estrella na ipinagbabawal ang pagbebenta ng lupa sa loob ng sampung (10) taon mula nang ito ay ipinagkaloob, alinsunod sa Republic Act 6657 o Comprehensive Agrarian Reform Law at sa New Agrarian Emancipation Act.
Ayon kay Estrella, maaari lamang ipagbili ang lupa kung may pahintulot mula sa DAR at kung lumipas na ang itinakdang sampung taon.
Mahigpit umanong mino-monitor ng ahensya ang mga lupang ipinamahagi sa mga benepisyaryo. Kung mapatunayang ibinenta ang lupa nang labag sa itinakdang panahon, agad itong babawiin ng gobyerno.
“Kailangang sila ay maghintay ng sampung taon bago nila maibenta ito sapagkat kapag napatunayan namin na nagbenta sila ng lupa nila na wala pang sampung taon, kukunin ulit ng pamahalaan sa kanila iyan at ipapamigay natin sa ibang beneficiary,” ayon kay Sec. Conrado Estrella III.
Batay sa tala ng DAR, mula Hulyo 1, 2022 hanggang Disyembre 31, 2024, umabot na sa 194,111 na mga titulo ang kanilang naipamahagi—katumbas ng 229,545 ektarya ng lupa, na napakinabangan ng mahigit 186,000 na mga magsasaka.
Ayon kay Estrella, may dalawang uri ng titulo na ipinagkakaloob ang DAR: ang e-titles at ang regular land titles.
“Iyong isa ay iyong e-titles, ito iyong mga titulo na nanggagaling doon sa tinatawag na collective CLOAs or Certificate of Land Ownership Awards,” ani ni Sec. Conrado Estrella III.
“Ngayon, iyon naman iyong regular land titles, iyong Land Acquisition Division ‘no, iyong dati, iyong mga nauna pa, mayroon tayong nai-distribute rin na nai-award din,” saad nito.