DAR, nagsagawa ng survey activity sa mga governmemt owned land sa Northern Mindanao

DAR, nagsagawa ng survey activity sa mga governmemt owned land sa Northern Mindanao

Nagsagawa ng survey activity ang Department Of Agrarian Reform (DAR) sa mga government owned land (GOL) sa Marawi City upang ipamahagi sa mga benepisyaryong magsasaka sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Nagtulong-tulong kamakailan ang mga lokal na pamahalaan sa Northern Mindanao, SOCCSKSARGEN at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang magsagawa ng survey activities para sa paghahanda ng Camp Amai Pakpak sa Lanao del Sur sa ilalim ng CARP.

Alinsunod ito sa Executive Order No. 75, series of 2019 na nag-aatas sa lahat ng mga ahensya ng pamahalaan na tukuyin ang mga lupain na pag-aaari ng pamahalaan.

Ang nasabing mga lupain ay maaaring ilaan para sa agrikultura upang maipamahagi sa mga kwalipikadong Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) sa ilalim ng CARP.

Dahil dito, ang Ministry of Environment Natural Resources and Energy (MENRE), Land Management Services (LMS), ang DAR sa Northern Mindanao, at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa SOCCSKSARGEN ay nagsagawa ng pagpupulong upang maumpisahan ang mga kinakailangang mga proseso upang makuha ang mga natukoy na government-owned lands sa ilalim ng CARP.

6,667 hectares na nakatiwangwang na GOL sa Camp Amai Pakpak sa Marawi City, Saguiaran, Piagapo at Marantao ang natukoy na maaaring saklawin ng CARP.

Ang mga nasabing lugar ay kinabibilangan ng Mindanao State University, National Power Corporation at Provincial Capitol ng Provincial Government ng Lanao del Sur.

Ang bahaging ito ay pinangangasiwaan ng Department of National Defense (DND) na nakalaan para sa militar gaya ng itinakda sa Presidential Proclamation No. 453 series of 1953.

Mahigit walong daang magsasaka na validated na beneficiaries ang maaaring mapagkalooban ng Certificates of Land Ownership Award (CLOA) na may sakop na 1,357 hectares.

Sinabi ni Macadindang na ang DAR ay naglaan ng PHP 6-milyong badyet para sa aktibidad na ito, kung saan ang DAR ay nakatalagang magsagawa ng pisikal na inspeksyon ng mga resulta ng survey work at manguna sa mga pagpupulong sa pagtatasa at pagsusuri.

Ang DENR region 12 ay magbibigay ng technical support na kinakailangan upang maisagawa ang mga survey ng lupa tulad ng perimeter, segregation, at delineation, kabilang ang iba pang paghahanda sa plano ng survey.

SMNI NEWS