Dating Ambassador to Brazil Marichu Mauro na nang-maltrato ng kasambahay, tinanggal na sa serbisyo

TINANGGAL na sa serbisyo ang dating Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Mauro ay nahuli sa isang video na minaltrato ang kanyang may edad nang kasambahay noong nakaraang taon.

Maliban sa tinanggal si Mauro sa serbisyo, pinarusahan din ito ng cancellation of eligibility, pagkumpiska sa kanyang retirement benefits at diskuwalipikasyon mula sa paghawak ng pampublikong posisyon.

“Yan ang parusa niyo. That’s how it is. I said there are rules to be followed. Kung ayaw mo sundin, you take the risk. If something goes wrong, it’s gonna hit you,” pahayag ni Pangulong Duterte.

Matatandaan na inilabas ng isang Brazilian news outlet na Globo News ang CCTV footage na sinasaktan ni Mauro ang 51-taong gulang na katulong sa iba’t ibang okasyon sa loob ng diplomatic residence nito.

Sa isang hiwalay na insidente, tinapunan ni Mauro ng isang tela ang kasambahay sa mukha, hinahatak ang tainga ng matanda hanggang sa ito ay maiyak.

Humakot ang nasabing video ng iba’t ibang reaksyon sa daigdig at sa mga opisyal ng pamahalaan kung saan nanawagan ang mga ito na pakasuhan ang nasabing envoy.

Kinondena ng TUCP ang pagmamalabis ng ambassador na anila’y hindi katanggap-tanggap sa isang public servant.

Malaking kahihiyan din ito para sa bansa dahil mismong ang kinatawan ng Pilipinas ang nang-abuso sa kapwa nito Pilipino.

Nakatanggap naman ng tulong ang Pinay na kasambahay ni Mauro mula sa mga ahensiya ng pamahalaan sa pag-uwi nito sa bansa.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.