Dating Batangas vice governor, timbog ng PNP dahil sa mga di’ lisensyadong baril

Dating Batangas vice governor, timbog ng PNP dahil sa mga di’ lisensyadong baril

ARESTADO ang dating vice governor ng Batangas na si Richard “Ricky” Recto matapos mahulihan ng iba’t ibang uri ng hindi lisensyadong baril.

Ayon sa panayam ng SMNI News kay PNP-Anti Cybercrime Group Public Information Head PLt. Michelle Sabino, isinagawa ang pag-aresto kay Recto kasunod ng reklamo ng dati nitong nobya kaugnay sa ilang beses na pang-aabusong naranasan nito sa poder ng dating bise gobernador.

“Former gilrfriend siya at tapos ano daw siya, parang, ‘yung pag nag-aaway sila binubuhusan siya ng tubig. Tapos nagpapakita lang ng videos, yung mga nude photos and videos niya, na pagka hindi, parang nagbigay ng, parang may nabanggit na money, eh, ipapakalat ganoon,” pahayag ni Sabino.

Bukod dito, nagpapakita rin ang suspek ng mga videos at mga larawan na bumabaril ito sa loob ng bahay bilang panakot sa biktima.

Batay sa report, ni-raid ng mga awtoridad ang bahay nito sa isang subdivision sa Pasig City at mula dito nasabat ng operating team ang samu’t saring digital devices, gayundin ang ilang unregistered firearms na kinabibilangan ng isang 12-gauge shotgun, dalawang 9mm, isang caliber .25, at isang caliber .40.

Wala pang inilalabas na pahayag ang kampo ni Recto hinggil sa mga alegasyon laban sa kanya habang kasalukuyang nasa kostudiya ito ng mga awtoridad sa Kampo Krame.

Samantala, nahaharap naman ang suspek sa mga reklamong paglabag sa Article 148 o Direct Assault Against an Agent of Person In Authority ng Revised Penal Code at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children Act na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act.

Nabatid na noong 2014, inabswelto ng Department of Justice (DOJ) si Recto dahil sa pagkakasangkot sa 2006 Batangas Provincial Explosion na ikinasugat ng 2 katao at ikinasugat ng dating governor na si Edwin Sanchez.

Follow SMNI News on Twitter